Lola ipinamigay ang paninda sa mga kapitbahay na hindi pa nabibigyan ng relief goods

  • Isang 70-anyos na lola sa Cainta ang nagpamigay ng mga panindang pagkain para sa mga kapitbahay
  • Marami sa kapitbahay ni Nanay Belina ay mga manggagawang naudlot ang trabaho dahil sa enhanced community quarantine
  • Ipinost ng apo sa social media ang kabutihan ng kanyang lola upang maging inspirasyon para sa iba

Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang ipatupad ng pamahalaan ang 30-day enhanced community quarantine sa buong Luzon upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus. Kaugnay nito ay nangako ang pamahalaan na magbibigay ng ayuda sa mga pamilyang lubos na naapektuhan nito.

Imahe mula kay Marites Edroso via Facebook

Sa isang barangay sa Cainta, isang lola na may munting sari-sari store ang nagdesisyon na isara na lang muna ang kanyang tindahan at ipamahagi ang mga panindang pagkain dahil hindi pa raw nakatatanggap ng relief goods ang mga kabitbahay sa kanilang street.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng netizen na si Marites Edroso ang kabutihang ipinamalas ng lola niya na nakilalang si Evelina Torres o Nanay Belina sa mga kapitbahay na mas nangangailangan.

“Nagsara na ng tindahan si Nanay Belina, walang natatanggap na relief goods ang street namin, kaya s’ya na lang daw ang magkakawang-gawa. Kaya’ yung mga tinda nya pinamimigay na lang n’ya sa mga mas nangangailangan,” post ni Marites Edroso.

Sa isang larawang ibinahagi ni Marites, makikita si Nanay Belina na inilalagay sa sisidlan ang ilang panindang pagkain tulad ng biscuit at instant coffee. Makikita rin sa isa pang larawan na inabot ni Nanay Belina ang isang supot ng pagkain sa isang kapitbahay sa V. Pasco Street sa Barangay San Isidro.

Imahe mula kay Marites Edroso via Facebook

Ayon pa kay Marites, naawa si Nanay Belina sa mga kapitbahay na karamihan ay mga construction workers at mga namamasada na naudlot ang paghahanapbuhay dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Ibinahagi ni Marites ang kabutihan ni Nanay Belina upang magsilbing inspirasyon sa ibang nakaluluwag  ang buhay na tumulong din sa kapwa sa gitna ng health crisis na nararanasan ngayon.

Nilinaw ni Marites na kinahapunan din ng araw na namahagi ng tulong si Nanay Belina ay dumating ang bigas at mga de-latang pagkain mula sa lokal na pamahalaan ng Cainta.

Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…