Mag–aaral, iginuhit ang mga tauhan ng nobelang “El Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal

  • Ipinagmalaki ng isang mag–aaral sa Grade 10 ang kaniyang kuwaderno
  • Makikita rito ang mga iginuhit niyang mga tauhan ng nobelang “El Filibusterismo” na talaga namang kahanga–hanga
  • Ang pangalawang nobelang ito ni Dr. Jose Rizal ay pinag–aaralan sa asignaturang Filipino sa Grade 10

Isa ang “kuwaderno” o notebook sa mga mahahalagang kagamitan ng mga mag–aaral sa paaralan. Dito isinusulat ang mga makabuluhang tala na kinokopya nila mula sa mga visual aids na ibinibigay sa kanila ng mga guro sa bawat pagtalakay ng mga aralin. Ang pagtatala o note–taking ay isa sa mga kasanayang dapat matutuhan ng mga mag–aaral.

Kaya naman, inulan ng paghanga ang kuwardeno ng isang mag–aaral sa Grade 10 matapos niyang gawing mala–”scrap book” ang kaniyang kuwaderno. Ayon sa Facebook post ni “Charliz Lei,” iginuhit niya ang mga tauhan ng nobelang “El Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal upang makatipid sa pagpapaimprenta nito sa computer shop.

Imahe mula Facebook account ni Charliz Lei

“Flex ko na rin, sayang naman HAHAHAHAHAHA. Lahat po ng characters din-rowing ko kasi wala lang trip ko lang ang mahal magpa–print eh,” ayon sa post ng mag–aaral. Talaga namang mapapa–”wow” ang sinuman dahil hindi lamang niya basta iginuhit ang mga tauhan—dinisenyuhan at kinulayan niya ito nang pagkaganda–ganda!

Iginuhit niya ang pabalat o coverpage, ang may–akda at pambansang bayaning si Dr. Rizal, at ang ilang mahahalagang mga tauhan ng nobela tulad nina Simoun (Crisostomo Ibarra), Basilio, Isagani, Kabesang Tales, at Huli. Bukod doon, mapapansin din ang napakagandang penmanship o sulat–kamay ng mag–aaral, sa pagsulat nito ng buod ng bawat kabanata.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Kung ako ang guro nito sa Filipino, wala nang patumpik–tumpik pa, 100 points na kaagad ito sa akin! Sa effort pa lang, hindi ka na magdadalawang–isip na bigyan ng maganda at mataas na grade ang batang iyan. Sana lahat ng mga students ngayon, ganiyan!” komento ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana all! Grabe, ang galing mo! Nawa’y pamarisan ka ng ibang mga kapwa mo mag–aaral na tamad na tamad gumawa ng requirements nila.”

Ang nobelang “El Filibusterismo” ay ikalawang obra maestra ni Dr. Jose Rizal. Sequel o karugtong ito ng “Noli Me Tangere” na unang nagpamulat ng kamalayang panlipunan sa mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.

Imahe mula Facebook account ni Charliz Lei

Loading…