Mag–asawa sa Bulacan na namimigay ng pagkain sa mga frontliners, itinampok sa “Magandang Buhay”

  • Itinampok sa ‘Magandang Buhay” ang trending na mag–asawang taga Malolos, Bulacan 
  • Nagluluto at namamahagi sila ng pagkain sa mga frontliners
  • Buo ang suporta ng kanilang mga anak sa kanilang ginagawa

Kinapanayam ng mga momshie hosts ng “Magandang Buhay” sa pamamagitan ng “Zoom” ang trending na mag–asawang taga Malolos, Bulacan na nagluluto at namimigay ng libreng pagkain sa mga frontliners, dahil na rin sa kagustuhan nilang makatulong sa kapwa.

Noong Marso 21, 2020, pinusuan ng mga netizens ang Facebook post ng mismong anak ng mag–asawa na si Rose Cruz-Salvador na nagtatampok sa kaniyang mga magulang, na piniling tumulong sa mga frontliners na sumasagupa sa COVID–19, kahit nakasarado mismo ang kanilang tindahan dahil sa enhanced community quarantine.

Imahe mula sa Facebook account ni Rose Cruz-Salvador

“Please allow me to share this. Nanay and Tatay preparing food for our health workers in Malolos. They are old. They have a store in Malolos public market but is currently closed because of enhanced community quarantine. In short, wala silang source of income ngayon. But still they opted to help out and share what they have. I am just so proud of them,” ayon sa post.

Nitong Marso 27, 2020, sa live telecast ng Magandang Buhay, emosyunal na sinabi nina Tatay Rey at Nanay Baby na gustong–gusto nilang makatulong sa mga frontliners sa pamamagitan ng pagluluto at pamamahagi ng tanghalian para sa kanila. Katu–katulong at suportado umano sila ng mismong mga anak nila na nagsisilbing tagapamalengke at tagapag–ugnay sa mga ospital o barangay na maaaring pagdalhan ng naturang mga pagkain.

“Kapag natapos ang pagsubok na ito, may magandang buhay na naghihintay sa atin!” mensahe ng mag–asawa para sa lahat.

Nagbigay naman ng magagandang komento ang mga netizens sa mapagmalasakit na mag–asawa na napagtapos ang mga anak dahil sa kanilang tindahan, na pinagkukuhanan nila ng kabuhayan.

“Nakakataba po ng puso! Sobrang nakakaiyak po ang inyong kabutihan. Sana po ay tularan kayo ng lahat. I can feel God in today’s episode. God is here. Thanks!” turan ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Rose Cruz-Salvador/Magandang Buhay

Sabi ng isa, “Pagpalain po kayo ng Panginoon, keep safe po, thank you po sa pagtulong sa kapwa nakaka–proud po kayo!”

“God will surely bless you po Tatay and Nanay, together with your family, ten fold with your wonderful deeds!” papuri naman ng isa.

Panoorin ang panayam sa trending na magasawa ng Malolos, Bulacan via YouTube channel:

Loading…