Magkapatid na frontliner, humingi ng pang-unawa matapos patawan ng P5k multa

Imahe mula sa Facebook | Mark Aries Libiran at GMA News | Gerald Libiran
  • Pang-unawa ang hiling ng magkapatid na frontliner matapos pagmultahin ng P5,000 dahil magkaangkas silang umuwi sa kanilang bahay
  • Ipinagbabawal ang pag-angkas sa motor dahil mahigpit na ipinatutupad ang social distancing upang hindi tuluyang kumalat ang COVID-19
  • Si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian naman, sinabing pag-iisipan nila ang pagpataw ng mas mababang multa para sa mga frontliner

Umapela ng pang-unawa ang magkapatid na kapwa mga healthcare workers matapos na mapatawan ng P5,000 multa dahil magkaangkas silang umuwi sa kanilang bahay sa Bulacan. Wala kasing pampublikong transportasyon dahil sa enhanced community quarantine.

Imahe mula sa Facebook | Mark Aries Libiran

Sabi ni Mark Aries Libiran sa kaniyang post, nagtatrabaho siya sa National Children’s H0spital habang ang kapatid na si Gerald Libiran naman ay sa Philippine Orthopedic Center.

Sa isang panayam naman sa GMA News, ipinaliwanag ni Gerald na iniangkas niya ang kapatid dahil ilang araw na rin itong hindi nakauuwi.

“Inexplain ko po sa enforcer na kaya ko po isinakay ‘yung kapatid ko kasi wala nga pong masasakyan. Gustong gusto niya na rin pong makauwi dahil apat na araw na po siyang natutulog sa NCH,” sabi ni Gerald.

Nakalagpas naman daw sila sa mga checkpoint kapag ipinakita nila ang kanilang identification card. Ngunit nang dumaan sa Valenzuela ay hindi sila umubra sa enforcer. Umaaray rin sila sa ipinataw na multa dahil halos kalahati na raw ito ng kanilang suweldo.

Imahe mula sa GMA News

Ipinagbabawal kasi ng Department of Transportation ang pag-angkas sa motorsiklo upang masunod ang social distancing protocol kontra COVID-19.

Ngunit hiling ng magkapatid, sana raw ay maunawaan silang mga nagtatrabaho sa 0spital na walang ibang masasakyan. Kahit daw kasi may mga umiikot na shuttle services para sa frontliners ay walang dumaraan sa kanilang lugar.

“Kahit po ba sa panahon na may ganitong krisis pangkalusugan ay hindi ninyo kami makonsidera?” sabi ni Mark. “Paano kami papasok sa susunod sa 0spital kung wala kaming lisensya?”

Samantala, hindi raw mapagbibigyan ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang kanilang pakiusap dahil kailangan nilang sundin ang patakaran ng DOTr ngunit pag-aaralan daw nila ang pagpataw ng mas mababang multa para sa mga frontliner, ayon sa ulat ng GMA.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…