Makati City, nagbigay ng tulong pinansyal sa tricycle at jeepney drivers ng lungsod na apektado ng community quarantine

  • Nagbigay ng tulong pinansyal ang Makati City government para sa mga driver na apektado ng community quarantine
  • Benepisyaryo ng proyektong ito ng Makati LGU ang mga tricycle at jeepney driver na hindi makapasada
  • Nasa 6,000 tricycle driver at 2,000 jeepney drivers ang nabigyan ng tulong ng Makati City

Dahil sa ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine dahil sa banta ng C0VID-19, maging ang mga pampublikong sasakyan ay hindi na muna pinahihintulutang bumiyahe upang pag-iingat na rin sa pagkalat ng karamdaman at upang hindi mahikayat ang publiko na lumabas pa ng kani-kanilang mga tahanan.

Kabilang sa mga naapektuhan ay ang mga tricycle at jeepney drivers na hindi makapamasada ngayon dahil sa community quarantine. At upang makapagbigay ng ayuda sa mga tsuper na hindi makapagtrabaho sa panahon ngayon, nagbigay ng pinansyal na ayuda ang Makati City government sa mga halos 8,000 na drivers ng kanilang lungsod.

Larawan mula sa PNA

Sa isang tweet, inanunsiyo na Mayor Abby Binay na ipinag-utos na niya ang paglalabas ng budget para makapag-abot ng P2,000 tulong pinansyal sa mga tricycle at jeepney drivers ng buong lungsod. Ayon sa alkalde, ang ayudang ito ay para sa dalawang linggong nasa community quarantine ang buong lungsod.

At ilang araw matapos ang anunsiyo ni Binay na magbibigay sila ng tulong sa mga tsuper, agad na ipinag-utos ng alkalde na ipamigay ang tulong pinansyal sa 5,952 na tricycle drivers at 1,826 na jeepney drivers mula sa kanilang lungsod.

Ang pamimigay ng tulong ng pamahalaang lokal ng Makati ay bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga miyembro ng tricycle at jeepney drivers’ association ng kanilang lungsod.

Larawan mula sa Makati Facebook page

Patuloy din daw ang pagtukoy ng Makati City government sa kanilang mga drivers na bibigyan pa nila ng tulong sa kabuuan ng panahon na ipinatutupad ang community quarantine sa bansa. Paglilinaw ni Binay, na bawat miyembro ng Makati JODA o TODA ay dapat makatatanggap ng tulong mula sa kanila kaya hinihikayat nila ang mga wala pang tulong na natatanggap ay mag-apply online.

Inihahanda na rin ng Makati City government ang pagtukoy sa mga komunidad na pinakaapektado ng community quarantine nang sa gayon ay mabigyan din ng tulong ang mga ito. Kumikilos na rin ang Makati LGU para naman makapagbigay ng tulong sa mga nawalan ng trabaho.

Loading…