Malacañang, iginiit na sapat ang suplay ng pagkain sa Metro Manila sa loob ng 30-day community quarantine

  • Ipinahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na handa ang pamahalaan pagdating sa pagbibigay ng food assistance sa mga nangangailangan sa gitna ng 30-day community quarantine sa Metro Manila
  • Iginiit nito na sapat ang suplay ng bansa para tugunan ang demand sa NCR
  • Sinabi rin nito na may nakahanda nang 300,000 food packages mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamigay sa mga mangangailangan

“Walang namamatay sa gutom. Kahit isang buwan hindi ka pa mamamatay.”

Imahe mula sa Presidential Communications Operations Office

Ito ang tumatak na salaysay ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang press conference na ginanap sa Malacañang noong March 15 tungkol sa maaaring danasin ng ilang pamilya na hindi makakapaghanapbuhay sa loob ng community quarantine sa NCR.

Ayon kay Panelo, handa ang pamahalaan pagdating sa pagbibigay ng food assistance sa mga taong nangangailangan sa kasagsagan ng 30-day community quarantine na ipinatupad sa Metro Manila.

“Hindi ba sinabi na natin yung ating social services department meron nang hinanda na mga packages,” ani Panelo sa media, ayon sa ulat ng Manila Bulletin.

Dagdag pa niya, “Daan-daang libo na nga ang naka-ready sa kanila. Yung mga packed goods? Marami tayong naka-ready.”

Sinabi nito na may nakahanda nang 300,000 food packages mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamigay sa mga pamilyang nangangailangan.

“Sabi ni Secretary Bautista, ina-anticipate na nila kaya marami silang hinanda. Ang huling sabi sa akin ay parang naka-pack na sila ng 300,000 yata plus another coming.”

Imahe mula sa Presidential Communications Operations Office

Inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila simula noong March 15.

Patuloy naman ang pagpapaalala ng pamahalaan tungkol sa kahalagahan ng social distancing upang mapanitiling ligtas ang bawat isa laban sa COVID-19.

Loading…