Mayor Oca Malapitan, nilinaw ang isyu hinggil sa mga relief goods sa Caloocan

  • Ipinaliwanag ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang kaniyang panuntunan sa pagbibigay ng relief goods sa lungsod
  • Nakatanggap umano siya ng mga ulat na binabawasan ang laman ng relief goods na ayuda ng pamahalaang lokal sa mga tao
  • Inisa–isa ng mayor ang laman ng food packs

Ngayong nasa ilalim pa ng enhanced community quarantine ang buong Luzon, isa sa mga kinakapitan at inaasahan ngayon ng mga mamamayan ang ayudang ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan upang may makain pa ang mga taong hindi makapagtrabaho at walang suweldo, o kaya nama’y upang maiwasan na ang paglabas ng mga tahanan upang may maipambili ng pagkain.

Sa mga unang linggo ng ECQ, nagkaroon ng isyu sa pamamahagi umano ng relief goods sa Caloocan City. Nakarating umano sa kaalaman ng mayor nito na si Oscar “Oca” Malapitan na ang mga relief o food packs ay binubuksan, binabawasan, o hinahati–hati at hindi matukoy kung malinis o hindi ang hangarin. Kaya naman, ipinaliwanag ng mayor ang panuntunan ng pagbibigay ng relief goods sa naturang lungsod sa pamamagitan ng Facebook post.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Oca Malapitan

“Ang mga relief o food packs ay ipinadaan sa ating mga Punong Barangay dahil sila ang mas mabilis na makapaghahatid ng tulong na ito sa higit na nangangailangan. Mula ang mga ito sa calamity funds ng ating lungsod kaya naman dapat itong makarating sa inyo nang buo at walang kabawasan,” paliwanag ng mayor.

Ayon pa sa mayor, ang naging panuntunan niya ay dapat ipamigay ang relief pack ng buo sa mga residente ng Caloocan na higit na nangangailangan. Bilang gabay, isa sa mga dalawang uri ng relief o food pack lamang ang maaaring matanggap ng mga tao. Pareho lamang ang laman ng kahon at sakong puti na pinamimigay ng lokal na pamahalaan.

Inisa–isa rin ng mayor ang laman ng naturang mga kahon. Ito ay limang kilong bigas, dalawang lata ng sardinas, dalawang lata ng corned beef, at dalawang lata ng canned tuna. Ang lahat ng ito ay bagong bili raw kaya makasisiguro ang mga tao na hindi expired ang mga ito.

Samantala, maaari din umanong gamitin ng mga barangay ang kani-kanilang mga pondo, kabilang ang Quick Response Fund o QRF upang may maipambili ng mga relief o food pack bilang ayuda sa kanilang nasasakupan.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Oca Malapitan

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens, lalo na ang mga taga–Caloocan.

Sumbong ng isa, “Sa amin po, pili raw yung bibigyan, kung pili po talaga ang bibigyan nila. Iisa–isahin nila ang bahay. Meron kami ditong kapitbahay wala talagang pagkukunan ng pera, pero until now wala pa ring relief goods na natatanggap.”

“Nakakatuwa naman kasi sinabi talaga kung ano–ano ang mga laman ng box and sako bag… patunay lamang na pinangangalagaan at sinisiguro na kompleto talaga at walang bawas ang mga relief goods na ibinibigay ng ating mahal na Mayor Oca Malapitan,” sabi naman ng isa.

Hangad natin na maibigay sa mga mamamayan ang mga nararapat na ayuda para sa kanila!

Source :

Facebook

Loading…