Mensahe ng mga pusang natutulog sa kalsada: “Huwag kayong esturbo amen”

  • Ibinahagi ng isang lalaking guro ang larawan ng dalawang “pusang–kalye” na mahimbing na natutulog
  • Nakapupukaw ang caption na nakalagay sa paanan ng mga ito na huwag umano silang istorbohin
  • Ang mga pusa ay itinuturing na mga domestikadong hayop o inaalagaang hayop sa bahay

Isa sa mga kinatutuwaang pets ng mga Pilipino ang mga pusa. Katulad ng mga aso, ibayong pag–aalaga rin ang kailangan nila lalo pa’t nakatutulong sila sa pagkawala ng mga kinaiinisang mga daga, na kadalasang makikita sa mga bahay.

Kinatuwaan ng mga netizens ang ibinahaging Facebook post ng isang lalaking gurong nagngangalang “Mark Christian Fidelino” noong Marso 4, 2020. Habang naglalakad kasi sa isa sa mga kalye sa Maynila, namataan niya sa lansangan ang dalawang natutulog na pusang kalye. Nakapukaw sa kaniyang atensyon ang caption na nakasulat sa paanan ng isang pusang may tatlong kulay.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Christian Fidelino

“Huwag kayong esturbo amen (Huwag kayong istorbo sa amin). Wala pa kaming tulok (tulog). Kami puyat kagabi, mamaya kami gaysing (gigising), huli pa kami daga mamayang gabi. Tang–cue (Thank you). Hindi pa kami patay,” nakalagay sa nakasulat na caption na maaaring isinulat ng hindi nakilalang tao.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Nose bleed ako sa wordings hahahaha. Nakakapagsalita na pala ang mga pusa. Ang cute nila. Pampa–good vibes lang.”

“Nakakahilo ang mga salitang ginamit. Hindi ko ma–take hahahaha,” turan naman ng isa.

Ayon sa uploader na si Sir Mark, mahilig talaga siyang kumuha ng mga larawang nagpapakita ng mga katatawanan. Natuwa siya pagkakita sa mga naturang pusa, lalo na sa nakasulat na caption dito, kaya kinuhanan niya ito ng larawan gamit ang kaniyang cellphone.

Public Domain Image

Ang pusa, cat sa Ingles, o Felis silvestris catus ay isang hayop na carnivore o mamalyang kumakain ng karne na kabilang sa pamilyang “Felidae”. Naging alagang domestikado ang mga pusa na may higit na sa 3,000 mga taon, at tanyag sila bilang mga alagang hayop sa bahay. Naging domestikado o hayop na inaalagaan sa bahay ang mga pusa  dahil kumakain sila ng mga peste, subalit nang lumaon, dahil sa pagiging palakaibigan at mabuting kasama sa buhay.

Loading…