Mga “bentang” tugon ng mayor ng Cainta sa kaniyang mga nasasakupan, kinaaliwan

  • “Benta” sa mga taga–Cainta, Rizal ang paraan ng pagtugon ng kanilang mayor sa mga nasasakupan nito
  • Makatotohanan kasi ito, prangka, direkta, at may halong patawa
  • Napa–”sana all” na lamang ang mga netizens lalo na sa panahon ngayong hinahanap ng mga tao ang aksyon ng mga mayor ng bawat lungsod kaugnay ng pagsugpo sa COVID–19

Malaking tulong ang naibibigay ng mga social media platforms lalo na sa mabilisan at kagyat na pagbibigay at pagpapalaganap ng mahahalagang detalye at impormasyon, lalo na sa panahon ng krisis. Mas nagiging malapit din ang mga tao sa kanilang mga hinahangaang artista, celebrities, at maging sa mga pinuno ng bayan.

Kaya naman, itinampok sa Facebook post ng isang taga–Cainta na si “Tabel Loresca” ang mga trending at bentang tugon ng mayor ng Cainta, Rizal na si Mayor Johnielle Keith Nieto, sa mga tanong, mungkahi, o komento  sa kaniya ng mga nasasakupan, na direkta niyang sinasagot sa pamamagitan ng kaniyang sariling Facebook account.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Johnielle Nieto

Ayon sa kaniyang post, “The witty Mayor of Cainta. Kahit kailan talaga ang benta ng mga sagot nito. Yung binasa ko lahat ng comments. Tapos screenshot. Ang cool lang kase. #MayorJohnielleKeithPasionNieto.”

Isa sa mga halimbawang tanong ng isang taga–Cainta sa mayor ay kung kailangan daw ba ng ID sa pagkuha ng mga libreng alcohol na ibibigay ng lokal na pamahalaan para sa kanila. Sagot ng mayor, “Hindi, kailangan may lalagyan ka, kasi kung wala, ibubuhos lang namin sa kamay mo” kalakip pa ang smiley.

May nagkomento naman sa kaniya na kailangan din niyang magpahinga bilang mayor upang hindi bumagsak ang kaniyang immune system. Walang kagatol–gatol na sinagot ito ng mayor na “Paano ako magpapahinga eh ang dami ninyong tanong?” at muli, may kasama pang maraming smiley.

Isang netizen naman ang nagmungkahi na ipamahagi na lamang ang mga alcohol sa mga bahay–bahay sapagkat hindi na sila makakapunta pa sa munisipyo. Tugon ng mayor, “Wala ngang gagawa. Kaunti lang kami. Ang dami natin… tapos ang bilis ng turn over, may 3 sunog. May ospital na puno ng pasyente. May checkpoint sa 7 lugar… may pneumonia vaccinations, at may FB pang sasagutin.”

Imahe mula sa Facebook account ni Tabel Loresca

Marami sa mga taga–Cainta ang nagustuhan ang paraan o estilo ni Mayor Nieto sa pagsagot sa mga tanong ng kaniyang mga nasasakupan. Isa na riyan ang nagngangalang si “Lai Balderrama”.

Aniya, “I’m not really into patronizing politicians but I’m starting to love Cainta’s Mayor… So sipag sumagot! Haha, very upfront, giving the people reality check, and humor. Haha! This only shows that leaders will never be perfect but they’re doing what they can to help.”

Sabi nga nila, “Sana all!”

Loading…