Mga buto ng prutas na ‘di sinasadyang nalunok, maaari nga bang tumubo sa loob ng katawan ng tao?

  • Noon pa man ay ginagawa nang panakot sa mga bata ang maaaring mangyari kapag aksidente silang nakalunok ng buto ng prutas
  • Sa programang AHA ng GMA, nabigyang-linaw naman kung may basehan nga ba ang paniniwalang ito
  • Ayon sa eksperto, mayroong acid ang katawan na siyang nagiging dahilan upang hindi tumubo ang buto sa loob ng tiyan ng tao

Isa ka ba sa mga natakot matapos ‘di sinasadyang makalunok ng mga buto ng prutas? Mayroon nga kayang posibilidad na tumubo sa loob ng katawan ng tao ang mga buto ng pakwan, papaya, o kaya naman ay dalandan?

Imahe mula sa Pixabay

Sa programang AHA ng GMA, nabigyang-linaw ang katotohanan sa likod ng paniniwalang ito na madalas ginagamit ng nakatatanda na panakot sa mga bata.

Ayon kay Mikee Estorga, isa sa mga resident scientists sa Mind Museum, hindi dapat ikabahala ng mga bata ang ‘di sinasadyang pagkain o pagkalunok nila ng mga buto ng prutas.

“Kapag nakakain naman ng buto, okay lang iyon,” sabi ng eksperto. Dagdag nito, “Sa loob ng tiyan natin may nilagay tayong acid. Pinapatay noon yung buto kaya ‘di siya tutubo sa tiyan natin.”

Sa panayam ng programa kay Estorga, sinabi ng scientist na hindi tutubo ang buto sa loob ng tiyan ng tao dahil sa acid na mayroon sa katawan.

Maliban dito, ipinakita rin ng eksperto kung paano gumagana ang digestive system ng tao o ang proseso mula sa pagkain hanggang sa paglabas ng mga excess food sa katawan.

Imahe mula sa Pixabay

Matatandaan na una nang nagviral ang video ng labis na pag-iyak ng batang si Kade Gavin Ortillano sa Facebook noong December matapos nitong makalunok ng buto ng pakwan.

Nagpumilit pa itong magpadala sa ospital upang matanggal ang buto sa kaniyang tiyan.

Sa kabila ng takot na naramdam ng bata dahil sa pag-aakalang puwedeng tumubo iyon sa kaniyang katawan, marami naman ang naaliw sa kaniyang pagkainosente.

Loading…