Mga empleyadong dadaan sa 14-day quarantine, makatatanggap pa rin ng sahod, ayon sa DOLE

  • Siniguro ng Department of Labor and Employment o DOLE na makatatanggap pa rin ng sahod ang mga empleyadong dadaan sa 14-day quarantine
  • Ang DOLE na mismo umano ang sasagot sa sahod ng mga regular na manggagawa kung sakaling wala na talaga itong natitirang leave credits
  • Para mangyari ito, kinakailangan ng empleyado na magpakita ng pormal na dokumento o memo mula sa kaniyang employer tungkol sa pagdaan nito sa 14-day quarantine dahil sa isyu ng COVID-19

Direktang sinabi ng Department of Labor and Employment o mas kilala sa tawag na DOLE na makatatanggap pa rin ng sahod ang mga regular na empleyado kung sakaling inatasan sila ng kanilang employer na magdaan sa 14-day quarantine dahil sa banta ng COVID-19.

Larawan mula sa PTV

Sa panayam kay Labor Secretary Silvestre Bello III ng programang DZMM Teleradyo, sinabi nito na sasagutin ng ahensiya ang dapat na magiging kabayaran ng manggagawa para sa mga araw na wala ito sa trabaho.

“Na-meet namin ‘yung mga employers group, nag-meeting rin kami ng workers group at naging issue nga iyang 14-day quarantine,” ani Secretary Bello.

“Ngayon para hindi na magkakaroon ng problema, DOLE na lang po ang magsa-subsidize sa empleyor. Yung suweldo na ibibigay nila doon sa 14-day quarantine, DOLE na ang magbabayad,” dagdag na pahayag niya.

Iginiit naman ni Secretary Bello na mangyayari lamang ito kung ubos na talaga ang leave credits ng isang regular na empleyado para sa mga araw na naka-quarantine ito.

“’Pag pinag-quarantine ka ng employer mo, whether you have symptoms or not, at wala ka nang leave credits, it will be DOLE that will subsidize the employer,” paglilinaw niya.

Para naman maibigay ng DOLE ang subsidy sa regular employees, kinakailangan nilang magpakita ng memo o dokumento mula sa kanilang employer na nagpapatunay na hindi muna sila pinapapasok sa opisina o kinakailangan nilang magdaan sa 14-day quarantine dahil sa isyu ng COVID-19.

Dagdag ni Secretary Bello, kumpleto o 100% ng kanilang sahod sa isang araw ang kanilang matatanggap kung sakaling makapagbibigay ng tamang dokumento sa nasabing ahensiya.

Imahe mula sa official website ng Department of Labor and Employment

Para naman sa mga hindi regular employees, patuloy ang pagsasagawa ng DOLE ng programa upang matulungan sila na kumita habang hinaharap ng karamihan ang global concern na ito.

Ayon sa ahensiya, patuloy ang kanilang pagbibigay ng emergency jobs, livelihood assistance, at skills training program para sa mga hindi regular employees na kinakailangan ng tulong sa gitna ng banta ng COVID-19.

Source :

Facebook, Youtube

Loading…