Mga mag–aaral sa Vietnam, ipinaplastik upang makatawid sa ilog patungong paaralan

  • Isinisilid sa plastik ang mga mag–aaral sa isang village sa Vietnam makatawid lamang sa ilog
  • Pagkatapos nito, lalakad sila ng limang oras makarating lamang sa paaralan
  • Ang ilan sa kanila ay pinipiling matulog at manatili sa paaralan sa buong isang linggo at uuwi lamang sa kanilang mga tahanan tuwing weekends

Dito sa Pilipinas, hindi na bago sa atin ang mga kuwento ng mga mag–aaral na mahigit sa isang oras naglalakad patungong paaralan, o kaya naman ay sumasakay pa sa bangka o balsa at tinatawid ang ilog huwag lamang lumiban sa kanilang klase.

Sa isang village sa Vietnam, may ganito ring mga uri ng pagtitiyaga ang mga mag–aaral, subalit sa halip na bangka o balsa, isinisilid sila ng kanilang mga magulang sa malaking plastik upang maitawid sa rumaragasa at mapanganib na ilog, makapasok lamang sa paaralan.

Imahe mula sa Thinking Humanity/Buhay Teacher

Tuwing tag–araw, nakatatawid sa kabilang ibayo ng ilog ang mga bata gamit ang mga tulay na yari sa kawayan. Subalit pagdating ng tag–ulan, tumataas ang antas ng tubig sa ilog at kasamang tinatangay ang mga naturang tulay. Hindi rin maaaring basta na lamang languyin ang ilog dahil rumaragasa ang tubig nito.

Kaya naman, naisipan ng mga residente na isilip sa malaking plastik ang kanilang mga anak upang maitawid sa kabilang ibayo ng ilog, at upang makapaglakad ang mga ito patungong paaralan. Ang mga tatay at mga tiyuhin ang bumibitbit sa plastik upang hindi matangay ang mga bata, at ligtas na makarating sa kabila.

Isang hamon din para sa mga tatay at tiyuhin ang mabilis na pagkilos upang madala ang nakaplastik na mga bata sa kalupaan dahil maaaring kapusin ng hininga ang mga ito dulot ng pagkakabalot sa plastik.

Hindi lamang dito natatapos ang kalbaryo ng mga mag–aaral. Pagkatapos kasing malagpasan ang panganib na dulot ng rumaragasang tubig sa ilog, kinakailangan naman nilang maglakad ng halos limang oras makarating lamang sa paaralan. Kaya naman pinipili na lamang ng iba na manatili sa paaralan ng isang linggo, at kapag weekend ay saka sila umuuwi sa kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa Thinking Humanity/Buhay Teacher

Ipinaliwanag naman ni Muong Cha District chairman Nguyen Minh Phu na ginagawa lamang ito ng mga tao sa tuwing malakas ang ulan at mataas ang antas ng tubig sa ilog.

Isa itong patunay na harangan man ng rumaragasang ilog ang isang tao, lahat ng panganib ay haharapin at susuungin basta’t pursigido.

Loading…