Mga paaralan, maaaring magpasya kung may graduation at moving up ceremonies ayon sa DepEd

  • Maaaring magpasya ang mga paaralan kung may graduation rites at moving up ceremonies kung magpapatuloy na ang mga klase pagkatapos ng Abril 14
  • Kailangan lamang daw konsultahin ang mga magulang hinggil dito
  • Nasuspinde ang mga klase sa lahat ng antas sa buong Luzon noong Marso 10 hanggang Abril 14 bilang paghahanda sa Enhanced Community Quarantine upang masugpo ang paglaganap ng COVID-19

Binibigyan ng discretion ng Department of Education o DepEd ang mga pampribado at pampublikong paaralan  sa buong Luzon na magpasya hinggil sa pagdaraos ng graduation rites at moving-up ceremonies kung sakaling matatapos na ang suspensyon ng mga klase dahil na rin sa enhanced community quarantine na ipinatutupad sa buong pulo, upang masawata ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, maaaring konsultahin ng mga paaralan ang mga magulang hinggil sa usaping ito, lalo pa’t isa ito sa mga inaabangang event sa mga paaralan. Abril 3 ang orihinal na iskedyul ng patatapos ng mga paaralan sa school calendar ng DepEd.

Public Domain Image

“Puwede po nila itong i-reschedule, puwede din po na hindi na nila ituloy pero ito po ay kailangang ikonsulta sa mga magulang,” ani DepEd Undersecretary Sevilla.

Pinapayagan din ng DepEd ang mga paaralan na magsagawa ng mga online classes o pagbibigay ng mga online activities upang may magawa pa rin ang mga mag–aaral kahit na sila ay nasa bahay lamang. Ipinauunawa rin sa kanila na ang panahong ito ay hindi bakasyon kundi precautionary measures upang hindi na kumalat pa ang sakit.

Samantala, hati naman ang opinyon dito ng mga mag–aaral at magulang sa usaping ito.

Sabi ng isang senior high school student, “Sana may graduation rites pa rin, hindi na nga ako nakaranas nito noong JHS dahil moving up, tapos mawawala pa ang graduation rites? Once in a lifetime lang naman ito, na ninakaw ng pandemyang ito.”

“Go for it! Gusto kong makita ang anak kong naglalakad sa entablado, nakasuot ng toga, at inaabot ang diploma,” turan naman ng isang magulang.

Pahayag naman ng isa, “Huwag na. No need as of the moment na uncertain pa ang mga bagay–bagay. Mukhang mahaba pa ang labanan kontra COVID-19.”

Suspendido hanggang Abril 14 ang mga klase sa lahat ng antas sa buong Luzon, at inaasahan namang muling babalik sa normal ang lahat sa Abril 15, subalit ito ay wala pa ring katiyakan lalo pa’t patuloy na tumataas araw–araw ang bilang ng mga taong may kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Public Domain Image

Loading…