Mga pasahero, na “wow mali” ng limang piso

  • Na–”wow mali” ang isang netizen sa nakita niyang limang piso sa sahig ng isang pampasaherong dyip
  • Nang tinangka niya itong pulutin, nakadikit pala ito
  • Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens

Sabi nga, huwag “ismolin” ang piso o maging bente singko sentimo dahil maaari ka nitong maisalba sa pang–araw–araw na pamumuhay, lalo na sa pagbabayad ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan gaya ng dyip.

Kinatuwaan sa social media ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Winona” dahil na “wow mali” siya sa pagtatangkang pagpulot sa limang pisong nasa sahig ng pampasaherong dyip na kaniyang nasakyan. Hindi siya nagtagumpay dahil nakadikit pala ang naturang barya.

Imahe mula sa Facebook account ni Winona Buenaobra

“So ganito yun, nakakita ako ng limang piso sa jeep, eh di kukunin ko na dapat tapos nagulat ako NAKADIKIT PALA!” ayon sa post.

Subalit hindi pa rin nakuntento ang netizen. Gusto niyang makasiguro na talagang nakadikit nga ang naturang barya. Nang pababa na siya, sinabihan niya ang isang pasahero na may nalaglag itong limang piso sa katapat nitong sahig. Ngunit kagaya ng kaniyang pagtatangka, hindi rin nagtagumpay ang ale. Sadya ngang nakadikit ang limang piso sa sahig.

“Pero di ako nagpadaig, nang pababa na ko sabi ko kay ateng nakaupo ‘Te nalaglag yata lima mo oh’ tapos kinuha niya rin HAHAHAHAHAHAHAHAHAHA, nang nakababa na ko sabi ko isa itong prank.”

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens. May ilan pang humugot dito at naiugnay pa sa pag–ibig.

“Sana ganyan din pag–ibig, kahit daming gustong kumuha o mang–agaw, hindi padadaig kaso daming marupok,” hugot ng isa.

Sabi naman ng isa, “Ang daming bakas, sobrang dami na sigurong nag–attempt kunin yung barya hahaha”.

“Uso naman talaga sa ating mga Pinoy iyan eh. Ginagawang palamuti ang mga barya. Sa bahay namin, idinidikit namin mga singko sentimo sa paanan ng pintuan namin,” saad naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Winona Buenaobra

Ang pagdirikit ng mga barya sa sahig, lalo na sa mga kabahayan ay nakagawian na ng ilang mga Pilipino, sapagkat naniniwala silang magdadala ito ng suwerte sa kaperahan. Samantala, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ipinagbabawal ang paggamit sa barya bilang palamuti dahil kailangan itong manatili sa sirkulasyon at magamit para sa pagkonsumo.

Source :

Facebook

Loading…