Mga street dwellers sa Maynila, kinalinga at patuloy na tinutulungan sa Delpan Sports Complex

  • “Paano na sila?” Ito ay isa sa mga katanungan natin hinggil sa sitwasyon ngayon ng mga kababayan nating naninirahan sa mga lansangan
  • Sa kabutihang-palad, marami ring kababayan natin ang tumutulong sa kanila
  • Sa Maynila, ang mga street dwellers ay pansamantalang binigyan ng tirahan ng lokal na pamahalaan

Marami sa ating mga kababayan ang walang permanenteng tirahan. Sa Metro Manila pa lamang ay kapansin-pansin na ang mga naninirahan sa mga lansangan nito. At sa panahon ng enhanced community quarantine, mas kailangan nila ng kalinga.

Mga imahe mula sa Facebook page ng Manila Department of Social Welfare

Sa Maynila, ang mga taong naninirahan sa mga lansangan o ang tinatawag na mga “street dwellers” ay binigyan ng lokal na pamahaaln ng pansamantalang matitirahan dahil mas exposed sila sa banta ng COVID-19.

Sa pangunguna ni Re Fugoso, direktora ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), magkatuwang na nagsagawa ng rescue mission ang kanilang Reach-Out Team at ang Task Force CORONA.

Sila ay naglibot sa mga lansangan ng Maynila upang sagipin at dalhin ang mga street dwellers sa itinalagang lugar—ang Delpan Sports Complex.

Kabilang sa mga nasagip ay ang mga pamilyang naninirahan sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Ang mga sinagip ay agad munang kinuhanan ng temperature upang sa gayon ay madala agad sa pampublikong ospital ang sinumang makikitaan ng mataas na temperature.

Samantala, araw-araw na tinutugunan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga pangangailangan ng mga nasagip na street dwellers.

Binisita na rin sila roon nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna upang matiyak ang maayos nilang kalagayan.

Samantala, patuloy pa rin ang pag-iikot ng MDSW Reach-Out Team upang sagipin at kalingain ang lahat ng street dwellers sa Maynila.

Patuloy rin ang pagdating ng mga donasyon sa Delpan Sports Complex para sa mga street dwellers.

Kabilang sa mga nakapagbigay ng donasyon ay ang pamunuan ng Young’s Isopropyl Alcohol na nagbigay ng sampung kahon ng alcohol.

Mga imahe mula sa Facebook page ng Manila Department of Social Welfare

Nag-abot din ng tulong ang Sorok Uni Foundation na nagbigay ng banig, unan, at hygiene kit.

Bilang pasasalamat at pagsaludo naman sa masisipag at magigiting na manggagawa ng MDSW at ng mga itinuturing na frontliners sa mga barangay ng Maynila ay nakatanggap sila ng cake mula sa SM Foundation.

Source :

Facebook

Loading…