Mga turista sa El Nido pinauwi upang ‘di maipit sa ipatutupad na community quarantine

  • Mga turista sa El Nido at iba pang tourist destinations sa Palawan pinauwi ng lokal na pamahalaan
  • Magpapatupad ang Palawan ng community quarantine mula March 15 hanggang April 15, 2020
  • Maraming turista ang nagreklamo sa desisyon ng Palawan government dahil hindi sila nabigyan ng sapat na panahon para ayusin ang schedule ng flight nila

Pinauwi ng lokal na pamahalaan ng El Nido, Palawan ang lahat ng mga turista, Pilipino man o dayuhan, dahil sa ipatutupad nitong community quarantine simula sa Lunes, March 15 hanggang April 15, 2020, kaugnay ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa El Nido Tours

Sinabi ni Mayor Edna Gacot-Lim sa isang public advisory na inilabas noong Biyernes,ika-13 ng Marso, na ang lahat ng turista ay kailangang lisanin na ang El Nido upang hindi maipit sa ipatutupad na quarantine sa buong munisipalidad.

Ang mga biyahero, kabilang ang mga residente, na papasok sa El Nido bago ipatupad ang community quarantine ay isasailalim sa 14-day mandatory quarantine, ayon sa alkalde.

Ang pamahalaang panglungsod ng Puerto Princesa City ay magpapatupad din ng suspensyon ng mga domestic air at domestic sea travel papasok at palabas ng lungsod alinsunod na rin sa rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahiigpit na pagpapatupad ng social distancing.

Ayon sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 sa Palawan, ang mga domestic at foreign tourists ay maaaring umalis ng probinsya sa pamamagitan ng San Vicente, Coron, at El Nido airports.

Sinabi ni Palawan Governor Jose Alvarez sa isinagawang emergency meeting ng COVID-19 task force na papayagang makauwi ang mga domestic tourists sa kanilang mga tahanan at mga foreign tourists sa kanilang bansa sa pamamagitan ng international flights.

Imahe mula sa Palawan News

Mananatiling bukas ang mga paliparan sa tatlong bayan na nabanggit subalit may mga ipatutupad na restriksyon upang masiguro na hindi kumalat ang COVID-19 sa probinsya. Papayagan ang mga turistang makalabas, subalit hindi na magpapapasok ng mga biyahero simula sa March 15, 2020

“Bahala na ang airline doon, kung gusto nila singilin ng mahal para makabawi kasi kukunin nila ang mga pasahero dito. Hindi natin pwede abalahin ang mga turista na gusto umalis dito. They can go out from Palawan kasi ang airport naman natin will remain open,” sabi ng gobernador.

Maraming turista ang nagreklamo sa desisyon ng Palawan government. Hindi umano sila nabigyan ng sapat na panahon upang ayusin ang schedule ng flight nila.

“Sana binigyan nila kami ng chance. Kadarating lang namin kahapon dumiretso kami sa El Nido para mag-tour and nasa kalagitnaan kami ng tour namin nang i-advise kami na we need to fly back na,” reklamo ng isang domestic tourist.

Napuno ng mga domestic at foreign tourists ang Palawan International Airport Sabado ng madaling araw, ika-14 ng Marso, na nagmamadaling makalabas ng Palawan bago ipatupad ang community quarantine.

Imahe mula sa Palawan News

Loading…