Muntinlupa City nagpatupad ng 24-hour curfew

  • Buong Muntinlupa City isinailalim sa 24-hour curfew
  • Hindi epektibo ang 8:00 pm to 5:00 am curfew na mapigilan ang mga residente na lumabas ng kanilang mga tahanan
  • Ang mga lalabag ay hindi na makatatanggap ng relief goods at iba pang ayuda mula sa city government

Ang Muntinlupa City government ay nagpatupad ng 24-oras na curfew sa buong lungsod simula noong Biyernes, ika-20 ng Marso, na tatagal hanggang sa matapos ang pinaiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Imahe mula sa City Government of Muntinlupa

Ipinasa ng city council ang City Ordinance 2020-074 o ang “24-hour COVID-19 Curfew” matapos na mapagtanto na hindi epektibo ang 8:00 pm to 5:00 am curfew na mapigilan ang mga residente na lumabas ng kanilang mga tahanan.

Sa ilalim ng bagong ordinansa, walang sinuman ang papayagang makalabas ng kanilang bahay maliban na lang kung kabilang siya sa mga exemptions na naaayon sa batas o ordinansa.

May nakalaang parusa sa mga lalabag.

Ang first-time offender ay aalisan ng benepisyong ibinibigay ng lungsod katulad ng Muntinlupa Scholarship Program at Dagdag-Puhunan Program (zero-interest loan).

Ang mga repeat offenders ay hindi na rin bibigyan ng relief goods at anumang uri ng ayuda hanggang matapos ang enhanced community quarantine.

Ang lahat ng violators ay kukunan ng larawan at ilalagay sa blotter ng barangay na nakasasakop sa kanila.

Imahe mula sa City Government of Muntinlupa

Exempted sa 24-hour curfew ang mga frontliners, ang mga taong bibili ng mga pangunahing pangangailangan, peace and order personnel at ang mga emergency cases. Isa lang sa bawat pamilya ang papayagang lumabas para makabili ng mga basic commodities.

Nanawagan si Muntinlupa City Mayor Jimmy Fresnedi sa lahat ng barangay officials na mas paigtingin ang implementasyon ng ipinatutupad na curfew at ang paghihikayat sa mga residente na manatili sa kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa City Government of Muntinlupa

Loading…