Natatandaan mo pa ba si “Flor Contemplacion”?

  • Hindi malilimutan ng mga OFW si Flor Contemplacion
  • Siya ang Pilipinang pinarusahan ng pamahalaan ng Singapore noong Marso 17, 1995 sa pamamagitan ng pagbigti dahil sa mabigat na paratang, na napatunayan ding walang katotohanan
  • Isinapelikula ang kaniyang talambuhay na ginampanan ni Superstar Nora Aunor

Ang buwan ng Marso, bukod sa itinuturing na “Fire Prevention Month”, ay buwan din kung saan ipinagdiriwang ang “International Women’s Month”. Natabunan lamang ito sa paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 o COVID–19 na nagsimula noong Disyembre 2019.

Kaugnay niyan, nitong Marso rin ginunita ang 25th death anniversary ng OFW na si Flor Contemplacion, na pinarusahan ng pamahalaan ng Singapore noong Marso 17, 1995 sa pamamagitan ng pagbigti dahil sa mabigat na paratang, na napatunayan ding walang katotohanan.

Public Domain Image

Matatandaang pinagbintangan si Flor na siyang pumatay sa isa pang OFW at kaibigan niyang si Delia Maga, at sa alaga nitong apat na taong gulang na si Nicholas Huang. Subalit isang saksi na nagngangalang Emilia Frenilla, ang nagpatunay na ang amo ni Maga na isang Singaporian at nagngangalang Huang Sing Kiong, ang tunay na pumatay sa kaniya, dahil sa pagpapabaya nito sa anak na nalunod umano sa baldeng tubig.

Noong Marso 17 2019, nagsagawa ng kilos–protesta ang Migrante Philippines upang ipanawagan sa pamahalaan ang pagpapahinto sa “modern-day slavery,” at bigyan ng mas maraming oportunidad ang mga manggagawang Pilipino upang manatili at magtrabaho na lamang sa sariling bansa.

“Flor Contemplacion’s tragic fate continues to reflect the plight of Filipino migrants,” saad noon ng Migrante Philippines chairperson na si Arman Hernando sa isang panayam noong Marso 17. Dagdag pa niya, hanggang ngayon daw ay patuloy na nakararanas ng pang–aabuso ang mga OFW sa kabila ng Migrant Workers Act of 1995 na nagpoprotekta sa mga OFW sa iba’t ibang bansa.

Noong 1995, isinapelikula ang kaniyang buhay na may pamagat na “The Flor Contemplacion Story” noong 1995 na pinalabas ng Viva Films. Si Flor ay ginampanan ng nag–iisang Superstar na si Nora Aunor. Dahil sa kaniyang mahusay na pagganap, nagwagi siya bilang Best Actress sa iba’t ibang award–giving bodies, at nagwagi rin ang pelikula ng mga international awards gaya ng Golden Pyramid Award sa 1995 Cairo International Film Festival.

Bukod dito, gumanap din ang aktres na si Helen Gamboa bilang Flor Contemplacion sa pelikulang “Bagong Bayani” ni Tikoy Aguiluz noong 1995.

Public Domain Image

Loading…