Netizen, binigyang–pugay ang mga pulis at sundalong nahiga sa lansangan dahil sa pagod

  • Naispatan ng isang netizen ang mga pulis at sundalo na nakahiga sa kalsada dahil sa pagod
  • Sila ang mga frontliners na inatasan ng pangulo upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng “Enhanced Community Quarantine”
  • Marami sa mga netizens ang nagpasalamat at nagpahatid ng kanilang matamis na mensahe para sa kanila

Ang mga pulis at sundalo ang dalawa sa itinuturing na mga “frontliners” na kasangga ng mga propesyonal na humaharap sa kakaibang kalabang hindi nakikita, tulad ng mga doktor, nurses, at iba pang mga health workers. Kailangan nilang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan ng lahat sa panahon ng “Enhanced Community Quarantine”.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Arjhun Catada” sa kaniyang Facebook post ang kahabag–habag na senaryo kung saan naispatan niyang nakahiga, natutulog, at nagpapahinga dahil sa pagod ang ilang mga men in uniform sa sahig, dahil na rin sa pagtalima sa tawag ng kanilang tungkulin.

Imahe mula sa Facebook account ni Arjhun Catada

Salaysay ng netizen, habang nagja–jogging siya noong umaga ng Marso 17 sa Magallanes, Makati City, nabungaran niya ang mga magigiting na pulis at sundalo na nakahiga sa kalsada, na nasasapinan lamang ng mga karton. Panawagan niya, tama na ang pagpuna sa presensya ng mga pulis at sundalo sa panahon ngayon ng krisis.

“Habang nagja–jogging ako kanina sa Magallanes, Makati, nakita ko yung mga pulis at sundalo na nakahiga sa kalsada na KARTON lang ang tinutulugan. Tila pagod na pagod na sila. Kaya guys, tama na pagba–bash sa mga frontliners natin, sumunod na lang tayo,” ayon sa kaniya.

Dagdag pa niya, “Huwag na magyabangan kung sino tama at mali. Isipin mo kung kapatid or tatay mo, makita mong nakahiga sa kalsada dahil sa pagod para makatulong, ano mararamdaman n’yo? Just saying.”

Inulan naman ito ng mga komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “To all our frontliners, your efforts and your service will be recognize so much. You are all truly heroes in a true meaning of it. We salute you all! This will end soon and will be back to normal.”

“Sa lahat po ng mga pulis , mga sundalo, mga barangay tanod at anomang ahensya ng pamahalaan… God sees your heart at ang lahat po ng mga paghihirap ninyo ay hindi mawawalan ng kabuluhan. God will reward you all soon,” pasasalamat naman ng isa.

Imahe mula sa Definitely Filipino

Saludo po kami sa ating mga pulis, sundalo, at lahat ng frontliners sa pagsugpo sa ating kalabang hindi nakikita!

Loading…