Netizen ibinahagi ang maaaring isagot sa mga mapagsamantalang online sellers

  • May maaaring isagot sa isang mapagsamantalang online seller
  • Sabihin sa kaniya na ang meeting place upang makuha ang binibiling produkto ay sa DTI
  • Ang DTI ay akronim ng Department of Trade and Industry

Isa sa mga tinatangkilik ngayon ang mga “online sellers” lalo pa’t talagang nakahihikayat ang kanilang paraan ng pagtitinda. Gamit lamang ang social media, hindi na kailangan ng isang customer o buyer na suyurin ang mga malls, supermarkets, grocery stores, boutiques, o iba pang mga outlets. Magkikita lamang at makukuha na ang order.

Subalit sa panahon ng krisis kaugnay ng COVID–19, may ilang mga napabalitang online sellers na sinamantala ang pagkakataon upang “makapanlamang” sa kapwa sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga alcohol, face masks, at disinfectants nang doble ang presyo sa orihinal. “Doble o triple” ang patong, ‘ika nga.

Public Domain Image

Kaya naman, isang Facebook page ang naglabas ng isang larawan na nagpapakita ng maaaring isagot ng isang customer o buyer kung sakaling makaengkuwentro ng mga mapagsamantalang online sellers. Ipinakita ito sa pamamagitan ng halimbawang kumbersasyon.

Batay sa larawan,  kunwari ay nagtanong ang customer kung magkano ang 70% alcohol. Sumagot ang online seller na 500 piso ang isang 250 ml na bote, at kung lima ang bibilhin, libre na ang delivery. Sumagot ang customer na sampu ang bibilhin niya. Nang tanungin ng online seller kung saan ang meet up place nila, “DTI” ang sagot nito.

Ang DTI ay akronim ng Department of Trade and Industry, kagawarang nangangasiwa sa pagmo–monitor ng kalakalan at industriya ng bansa. Ayon sa Wikipedia, “DTI is main economic catalyst that enables innovative, competitive, job generating, inclusive business, and empowers consumers”.

Maaaring isumbong sa kanila ang mga negosyanteng nananamantala sa mga consumers lalo na sa panahon ng mahigpit na pangangailangan. Tinatawag na over pricing ang pagtatakda ng doble o tripleng patong na halaga sa orihinal na SRP o suggested retail price.

Samantala, binalaan naman ng Food and Drug Administration o FDA ang lahat ng mga online sellers na nagbebenta ng mas mahal na medical supplies na mataas ang demand dahil sa mga nangyayari ngayon tulad ng alcohol, face masks, at sanitizers na mananagot sila sa batas kapag inireklamo sila ng over pricing.

Imahe mula sa Facebook page na TRGJ Sneaker Outlet

“All FDA Inspectors and Regulatory Enforcement Unit agents are directed to conduct exhaustive monitoring of all online platforms to ensure full compliance of this Circular and the above-mentioned DOH issuances and to pursue and implement immediate regulatory and enforcement actions as warranted,” batay sa circular ng FDA.

Hinihikayat din ang publiko na i–report sa mga awtoridad ang mga mapagsamantalang online sellers at huwag tangkilikin ang mga mapanlamang.

Loading…