Netizen, itinampok ang isang kundoktor na nagpakita ng kabutihan sa pasahero

  • Itinampok ng isang netizen ang isang kundoktor na nagpakita ng kabutihan sa kanilang pasahero
  • Hindi kasi sapat ang perang pambayad ng dalagitang pasahero
  • Inilibre na lamang ito ng kundoktor at ibinalik ang perang ibinigay upang magamit pa sa iba pang pampasaherong sasakyan

Sa panahon ngayon na halos lahat ay may katumbas na presyo o halaga, tila “ginto” sa bunton ng dayami ang mga taong nagpapakita ng kabutihan sa kaniyang kapwa. Minsan, ang tumutulong pa at nagmamalasakit ay ‘yung mga taong nangangailangan din ng tulong, ngunit mas pinili pa ring manaig ang pakikipagkapwa–tao.

Katulad na lamang ng ibinahaging Facebook post ng netizen na si “Elmaj Jabay” kung saan itinampok niya ang isang kundoktor ng bus na sa halip na singilin at gipitin ang isang pasaherong walang pamasahe ay minabuti pa niyang tulungan ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Elmaj Jabay/Public Domain Image

Ayon sa salaysay ng netizen, may nakatabi silang 15 taong gulang na babae mula sa Tagbilaran City. Nang sisingilin na siya ng kundoktor, inamin nitong hindi sapat ang perang pambayad niya para sa pamasahe. Imbes na ipahiya ito, ibinalik ng kundoktor ang perang ibinayad ng dalagita upang magamit pa sa mga susunod na pamasahe pagkababa niya.

Nalugod naman ang nakasaksing netizen at agad na kinuhanan ng larawan ang mapagmalasakit na kundoktor. Pinuri niya ang Ceres Company, ang bus company kung saan naglilingkod ang kundoktor. Para na rin daw nanalo ang kompanya sa pagkakaroon ng isang empleyadong may mabuting kalooban. Sana raw ay dumami pa ang mga kagaya ng naturang kundoktor, na hindi niya nakuha ang pangalan.

“Sana marami pang tutulad sa lalaking ito na marunong umintindi at marunong maawa sa nakiusap na tao. Sana pagpalain ka. Sa Ceres Company, hindi ba parang nanalo na rin kayo nito, na may tao kayong maganda ang saloobin sa kapwa… siguro maganda ang training ninyo sa mga workers ninyo. God bless sa’yo, hindi man kita kilala pero saludo ako sa ginawa mo…” ayon sa post.

Public Domain Image

Bumaha rin ang pagpuri ng ibang mga netizens sa naturang kundoktor.

Sabi ng isa, “God bless you, thanks the Lord sa mga ganyang situation na kailangan nating tumulong at may mga taong open arms na magbibigay nito. Good job!”

“Sana all matulungin. Pagpapalain ka ng Diyos sa kabutihan ng iyong kalooban,” turan naman ng isa.

Pagpalain ka, Kuyang Kundoktor! Sana ay pamarisan ka ng iba!

Source :

Facebook

Loading…