Netizen, kinabiliban ang immune system ni dating senador Juan Ponce Enrile

  • Humanga ang isang netizen sa tatag ng immune system ni dating senador Juan Ponce Enrile
  • Ipinakita kasi sa isang Facebook page ang mga napagdaanan at napaglabanang mga epidemya ng senador sa bawat panahon, at ngayon ay 96 na taong gulang na ito
  • Hindi na raw hinahangad ng netizen na magkaroon ng katawan ni Marian Rivera, magandang mukha ni Kristine Hermosa, at makinis na kutis ni Lucy Torres

Mahalaga ang pangangalaga sa immune system sapagkat ito ang panangga ng katawan laban sa iba’t ibang uri ng karamdaman na maaaring maging dahilan upang hindi magampanan ng tao ang kaniyang mga pang–araw–araw na gawain at tungkulin. Ito raw ang dapat palakasin upang hindi tablan ng Coronavirus Disease 2019 o COVID–19.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang Facebook post ng nagngangalang “Catherine” na nagpapahayag ng kaniyang “paghanga” sa taglay na immune system ng dating senador na si Juan Ponce Enrile, batay na rin sa ibinahaging larawan ng page na “Tawa Manila” kung saan nalagpasan nito ang mga epidemya ng bawat panahon, mula 1924 hanggang kasalukuyan.

Public Domain Image

Sa kasalukuyan umanong nangyayaring krisis, hindi na raw niya hinahangad na magkaroon ng katawan ni Marian Rivera–Dantes, magandang mukha ni Kristine Hermosa–Sotto, at makinis na kutis ni Lucy Torres–Gomez. Gusto raw niyang magkaroon ng katulad ng immune system ni Enrile.

“Nasa point na ko ng buhay ko na hindi ko na pinapangarap na magkaroon ng katawan katulad ni Marian Rivera, magandang mukha tulad ni Kristine Hermosa, at kutis–porselana mala–Lucy Torres. Ang tanging hiling ko lang po ay immune system ni Juan Ponce Enrile. Thank you,” ayon sa post.

Ano nga ba ang sikreto niya sa taglay na malakas na resistensiya?

Sa panayam kay dating senador Enrile sa ika–95 na taong kaarawan niya noong Pebrero 14, 2019, ibinunyag niyang mahilig siyang kumain ng gulay, partikular ang saluyot. Paborito umano niya ang “dinengdeng”.

Ang dinengdeng ay putaheng Ilokano na pinagsama–samang gulay at niluluto sa maraming sabaw mula sa katas ng bagoong-isda. Saluyot, talong, ampalaya at okra ang karaniwang mga gulay na sahog ng ulam na ito na sinasamahan pa ng prito o inihaw na isda.

Public Domain Image

Wala rin umanong sinusunod na diyeta ang dating senador. Sa katunayan, kumakain pa raw siya ng lechon, chicharon, adobo, pork chop at bagnet. Hindi na rin siya umano nagkakanin sa gabi. Itinigil din niya ang mga bisyo tulad ng yosi at alak, natutulog siya nang walong oras bawat araw at regular na nag-eehersisyo.

Upang mapanatili naman ang matalas niyang pag-iisip, nagbabasa siya ng mga aklat at gumagamit din ng internet upang magsaliksik hinggil sa mga napapanahong pangyayari at usapin sa lipunan.

Nitong Pebrero 14, 2020 ay 96 taong gulang na ang dating senador. Nakabibilib nga, hindi ba?

Loading…