Netizen, kinahabagan ang magpinsang nagtitinda ng kinayas na walis tingting

  • Itinampok sa isang Facebook page ang dalawang magpinsang matiyagang nagtitinda ng mga kinayas na walis tingting
  • Ginagawa raw nila ito upang matulungan ang kanilang pamilya
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na bago ang kuwento ng mga batang maagang namulat sa kahirapan at natutong magbanat ng buto sa murang gulang, upang makatulong sa pagtataguyod ng kanilang mga magulang. Minsan, nasasagkaan na tuloy ang kanilang mga karapatang matamasa ang pagiging bata at magtamo ng edukasyon.

Kaya naman, itinampok sa isang Facebook page ang dalawang magpinsang taga Barangay Puting Lupa sa Makiling, Calamba, Laguna kung saan pinipili nilang lumiban sa klase upang makapaglako ng mga kinayas na walis tingting. Ang walis tingting ay isang uri ng kagamitang panlinis na mula sa mga pinagsama–samang patpat.

Imahe mula sa Facebook page na Justice For Ellowe Alviso

“Kawawa naman ang mga kabataang ito. Pilit nilang itinatayo ang kanilang mga paa para makatulong sa kanilang pamilya. Mas pinili nilang lumiban sa paaralan upang makapaglako ng pinagkayasang walis tingting. Sa halagang 35 piso, ibinebenta nila ang bawat isang walis para may pambili sila ng pagkain at may maibigay sa kanilang mga magulang,” batay sa post.

Hinikayat ng page na tulungan ang mga bata sa pamamagitan ng pagbili o pagtangkilik sa mga walis tingting na itinitinda ng mga ito. Harinawa ay huwag na ring baratin ang presyo bilang tulong sa mga ito.

“Kumakatok sila sa inyong mga puso. Kung maaari po pakitulungan natin silang maubos ang kanilang paninda. Malaking tulong na rin po siguro yung mabilhan natin sila ng bawat isang walis tingting,” sa pagpapatuloy ng post.

Nabagbag at nabagabag naman ang damdamin ng mga netizens sa dalawang magpinsan.

Sabi ng isa, “Kaya po sa mga bibili ng walis sa kanila huwag na pong tawaran, sa halip ay dagdagan kung kaya ninyo para tulong na rin.”

Imahe mula sa Facebook page na Justice For Ellowe Alviso

“I’m so proud of this kind of kids. Kasi ganito rin ako noon. I feel you, dapat talaga pinaghihirapan ang pera hindi gaya ng ibang bata, magnanakaw kasi ayaw magbanat ng buto. Ipagpatuloy lang pagsisikap mga kids may naghihintay na magandang kinabukasan basta huwag lang susuko at huwag hihinto sa pag–aaral kahit anong mangyari,” payo naman ng isa.

Hangad natin ang kaligtasan at ibayong pagtulong ng ating mga kababayan sa dalawang masisipag at determinadong magpinsan!

Loading…