Netizen: “Malinis nga ang mga kamay n’yo, paano naman ang mga bibig n’yo?

  • Nagkomento ang isang netizen sa isang pinag–uusapang larawan ng isang estanteng tila naubos ang mga alcohol, subalit marami at halos wala pang bawas ang mga toothpaste
  • Ayon sa kaniya, kung malinis man ang kamay, paano naman daw ang bibig?
  • Nagmula ang naturang larawan sa Facebook page na “Bekimon”

Kasabay ng pananalasa ng Coronavirus Disease o COVID–19 sa buong mundo, partikular sa Pilipinas, dumagsa rin ang mga mamimili sa mga malls, supermarkets, grocery stores, at pamilihan at isinagawa ng “panic buying” ng mga pangunahing produkto, lalo na sa mga alcohol, hand sanitizers, at disinfectants.

Kaliwa’t kanan ang pagbabahagi ng larawan sa social media ng ilang mga patunay na nagkakaubusan na ang mga nabanggit na produkto sa pamilihan. Kaya naman, isang netizen ang nagpahayag ng kaniyang saloobin sa kaniyang Facebook post hinggil sa isang larawang nauna nang napag–usapan sa page na “Bekimon”.

Imahe mula sa Facebook account ni Leslie Irang

Makikita sa naturang larawan ang isang estanteng “nalimas at nasimot” ang mga alcohol, subalit marami at halos wala pang bawas ang mga toothpaste.

Sabi tuloy ng netizen, “Malinis nga ang mga kamay n’yo paano naman ang mga bibig n’yo? Ay na Apo adu nga Pinoy ti ima da lang ti panpanunuten da! Kasano ngay dyay ngiwat da!”.

Ang ibig sabihin ng naturang pahayag ay “Hay Diyos ko, ang mga Pinoy kamay lang ang iniisip paano naman ang kanilang mga bibig?”. Literal na pagpapakahulugan ito na kailangang magsepilyo ng ngipin upang mapanatiling malinis ang loob ng bibig at mabango ang hininga, na baka nakalimutan ng ilang mga mamimili.

Sa kabilang banda, “simboliko” rin umano para sa kaniya ang “bibig” na tumutukoy sa pagkakalat ng mga pekeng balita o impormasyon sa publiko, paninirang–puri sa kapwa, paghahangad ng masama sa kapwa, at iba pang mga mapaminsalang akto o gawi.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens.

“Kaya ako,  I stocked up on all basic necessities. I can survive with water and tabo,” turan ng isa. 

Sabi ng isa, “FAKE news are circulating faster than the virus. I agree!”

Ang paghuhugas ng kamay at pagsesepilyo ay dalawa lamang sa mga paraan ng tamang pananatili ng kalinisan ng pangangatawanan upang makaiwas sa banta ng anumang sakit. Idagdag pa riyan ang pagpapalit ng damit, paghihilamos, at paliligo.

Public Domain Image

Samantala, nanawagan naman ang pamahalaan na huwag mag–panic buying at huwag mag–hoarding ng mga alcohol upang ibenta nang mas mahal sa karaniwan nitong presyo. Hindi umano ito makatarungan lalo pa’t nasa krisis ngayon ang bansa.

Loading…