Netizens kabilang ang singer na si Jim Paredes, nais ipalabas muli sa ABS-CBN ang mga klasikong educational shows ng network

  • Nanawagan ang ilang netizens, kabilang si Jim Paredes, na sana ay ipalabas muli ang mga classic educational shows
  • Ito ay sa kabila ng umiiral na community quarantine sa Luzon na nagpahinto sa production ng ilang shows
  • Dapat daw ay mga educational shows ang i-replay para sa mga batang walang pasok ng isang buwan

Dahil pansamantalang nakahinto ang production ng mga programa ngayon ng broadcast giant na ABS-CBN dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon bunsod ng COVID-19, ipinalalabas muli ngayon sa network ang ilang klasikong programa na minahal ng mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, replay episodes na ang ipinalalabas sa kanilang entertainment shows tulad ng It’s Showtime, habang buong primetime naman ay iba na ang lineup at karamihan sa mga ito ay replay ng top-rating inspirational series.

Larawan mula sa Facebook page ng Hiraya Manawari

At dahil sa pagpapalabas ng mga classic primetime shows, nais din ng ilang netizens, kabilang ang OPM legend na si Jim Paredes, na ipalabas din ng ABS-CBN ang mga educational shows nilang sumikat noong dekada 90s at early 2000s para sa mga batang nasa bahay lamang.

Unang nag-post sa kanyang Facebook account ang netizen na si Ivan Roblas patungkol sa panawagang maipalabas sanang muli sa ABS-CBN ang mga educational shows nila tulad ng Sineskwela, Hiraya Manawari, Bayani, at iba pa dahil malaking tulong daw ito sa mga estudyante at kabataang nasa bahay lamang sa loob ng isang buwan dahil sa community quarantine.

“Dear ABS-CBN, baka pwede naman na magre-run din kayo sa free TV nung mga educational shows ninyo. Nasa bahay lang mga bata. One month of Sineskwela, Hiraya, Bayani will do them good,” sabi ni Roblas sa kanyang post.

Nakarating din sa APO Hiking Society member at dati ring Kapamilya na si Jim Paredes ang post ni Ivan kaya naman ni-repost niya ito sa kanyang Twitter account. Agad namang tumugon ang Twitter page ng Knowledge Channel, ang channel ng ABS-CBN na humahawak ngayon sa mga klasikong educational shows nila.

Ayon sa tweet, araw-araw daw na nagpapalabas ang Knowledge Channel ng mga educational shows, bago at klasiko man, sa kanilang channel na mapapanood sa ilang cable providers at kanilang digital box. Mapapanood rin daw ang mga shows na ito sa kanilang YouTube channel.

Larawan mula sa YouTube

“Hi, sir! Sa Knowledge Channel po ay patuloy na ipinalalabas ang mga shows na ito araw-araw. At ngayon pong mas madalas na nasa bahay ang mga bata, maganda kung mapapanood nila ang ating favorite 90’s educational shows. Available din po ito sa aming YouTube channel,” sabi ng Tweet ng Knowledge Channel.

Bagama’t mayroon sa Knowledge Channel, sabi ng ilan ay mas maganda raw kung sa free TV nila ito mapapanood dahil hindi naman lahat ay may cable, digital box, at Internet sa bahay.

Source :

Twitter, Facebook

Loading…