Netizens, naantig sa amang naglakad mula QC hanggang Bulacan

Imahe mula sa Facebook | Carlo Cortez
  • Humanga ang mga netizen sa isang ama na naglakad ng halos anim na oras mula Quezon City pauwi ng Sa Jose del Monte, Bulacan
  • Bitbit niya ang 10 kilong bigas at dalawang kilong saging para sa pamilya
  • Matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon ay sinuspinde rin ang lahat ng pampublikong transportasyon

Marami ang naantig sa isang ama na naglakad mula Quezon City patungong Bulacan bitbit ang dalawang kilong saging at isang sako na may lamang 10 kilong bigas.

Imahe mula sa Facebook | Carlo Cortez

Kasama sa enhanced community quarantine sa buong Luzon ang pagsuspinde ng pampublikong transportasyon kaya naman walang nagawa ang iba kung hindi ang maglakad gaano man kalayo ang kailangang puntahan.

Kuwento ng netizen na si Carlo Cortez, tanghaling tapat nang magsimulang maglakad ang ama mula sa Brgy. Apolonio Samson sa Quezon City pauwi sa kanilang tahanan sa San Jose del Monte, Bulacan. Bukod sa init ng araw, dagdag hamon din para sa ama ang bibit na sampung kilong bigas at dalawang kilong saging. Ayon sa Google Maps ay may layo itong halos 20 kilometro.

“Salute to my father. Simula 12nn hanggang 5:55 p.m. mula Kaingin Bukid hanggang SM San Jose nilakad niya lang na may dala-dalang bigas na 10 kilos at 2 kilong saging makauwi lang sa amin,” sabi ni Carlo sa post na ngayon ay may 14k reactions at 4.4k shares na.

Imahe mula sa Facebook | Carlo Cortez

Ipinaabot niya rin ang pasasalamat sa ginawang ito ng ama para sa kanilang pamilya.

“Dama ko yung pagod niya makita lang ang family niya. I love you, Pa. Ingat pa rin po palagi. Tulog ka na para mabawi mo yung lakas mo sa haba ng nilakad mo,” aniya.

“Maraming salamat, Papa God at nakauwi nang ligtas si Papa.”

Napahanga ang netizens sa ginawang ito ng ama ng uploader. “Iba talaga ang pagmamahal ng isang ama. Gagawin lahat para sa pamilya niya,” sabi ni M. Ondog.

Maraming mga anak din ang naka-relate dito at ibinahagi ang pinagdaanan ng kanilang mga magulang upang makauwi at makapiling ang pamilya.

“Ramdam kita, sir. Yung Papa ko rin naglakad mula Rizal hanggang Caloocan. Paltos inabot niya. Buti na lang may nagsakay na motor hanggang sa area namin,” kuwento ni Kath Leen.

Source :

Facebook

Loading…