Nostalgia: Ibinabad mo rin ba ang evaporated at condensed canned milk sa tubig?

  • Nagpanumbalik sa gunita ng mga netizens ang isang larawang ibinahagi sa isang Facebook page
  • Makikita rito ang pagbababad ng lata ng gatas sa tubig noong mga panahong hindi pa uso ang mga appliances o kagamitang pampalamig
  • Marami sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang karanasan hinggil dito

Noong mga panahong hindi pa uso ang mga refrigerators, freezers, at coolers, iba–iba ang paraan ng mga tao, partikular na ang mga nanay, kung paano didiskartehan na mapigilan ang maagang pagkapanis ng mga pagkain, at maiiwas ito sa mga hayop tulad ng pusa, daga, ipis, langaw, butiki, at maging mga langgam.

Kaya naman, naghatid ng “nostalgia” para sa maraming netizens ang Facebook post ng isang nagngangalang “Rene” sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Ayon sa larawan, sadyang matatalino at mauutak daw ang mga nanay noong panahon ng 70’s to 80″s na hindi pa uso ang paggamit ng mga appliances na pampalamig.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Tulad na lamang daw sa mga binuksang evaporated at condensed canned milk. Para hindi raw mapanis at langgamin, ibinababad ito ng mga nanay noon sa lalagyang may tubig, o kaya nama’y pinapasakan ang butas na nalikha sa takip ng lata upang hindi sumingaw, o kaya’y inililipat sa plastik na lalagyan.

Nagbahagi naman ng kanilang mga karanasan ang ilang mga netizens hinggil dito.

Salaysay ng isa, “Aside from that, circa 80’s literal na wala kaming fridge, mga tirang ulam daw noon, lagyan mo lang  ng takip ok pa kinabukasan, tulog pa ang mantika…”

“Noon, many years ago, puwede ‘yan, kahit isang linggo ang gatas ok pa rin, wala rin kaming ref noon at ganyan lang ginagawa namin. Pero ngayon, mapapanis na kapag hindi mo inalis sa lata ang matitira,” sabi naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Those were the days na simple lang ang pamumuhay. Totoo ‘yan, ganyan ginagawa ng nanay ko noon sa natirang gatas namin, inilalagay sa mangkok na may tubig, ibababad yung lata ng gatas na may nakasuksok na binilot na papel, pantakip sa butas.”

Ikaw, naranasan ba ninyo ito o ginagawa pa rin hanggang ngayon?

Public Domain Image
Source :

Facebook

Loading…