Nurse naglabas ng hinaing tungkol sa diskriminasyong nararanasan

Imahe mula sa Unsplash
  • Naglabas ng saloobin ang isang nurse na nakararanas umano ng diskriminasyon dahil baka raw makapagdala siya ng sakit sa iba
  • Aniya, maging ang kapitbahay sa tinitirahan ay nais siyang paalisin dahil sa takot
  • Pakiusap niya, huwag naman sana siyang pandirihan dahil maging siya ay abot abot na pag-iingat ang ginagawa upang huwag dapuan ng sakit

Itinuturing na modern-day heroes ang mga healthcare workers na nangunguna sa pakikipaglaban sa COVID-19. Habang panay ang kanilang pakiusap na manatili ang mga tao sa bahay kasama ang kanilang pamilya ay tinitiis muna nila ang ilang linggong  hindi pag-uwi upang protektahan ang kanilang pamilya mula sa hindi nakikitang kalaban.

Imahe mula sa Unsplash

Sa kasamaang palad, ang kabutihan nila ay sinusuklian ng iba ng takot at pandidiri.

Sa isang panayam sa PEP PH, ibinahagi ng nurse na si Maphie Franco na nagtatrabaho sa East Avenue Medical Center ang nararanasan na diksriminasyon dahil sa suot na puting uniporme.

“Kapag naka-white uniform ka, parang ilag sa iyo ang mga tao. Sa iba sila tumitingin. At hindi naman natin masisisi dahil natatakot sila, lalo na ngayon na kalat na kalat na ang COVID-19, at hindi mo na alam kung sino ang may virus o wala,” sabi ni Maphie sa PEP.

Imahe mula sa Facebook | Maphie Franco

Maging ang mga kapitbahay raw niya sa tinitirahang apartment ay nais siyang paalisin. Kuwento niya, may nakapagsabi sa kaniyang kinausap ng isang teacher ang mga tenant na magkaisa upang paalisin siya dahil baka makapagdala raw siya ng sakit sa kanilang lugar.

“Ang sabi ng landlady namin, huwag ko na lang pansinin si teacher dahil wala itong karapatang paalisin ako, saka nagbabayad naman ako nang tama,” aniya.

Pakiusap ni Maphie sa mga kapwa Pilipino, huwag naman sana silang i-discriminate dahil maging sila ay todo ingat upang huwag dapuan ng COVID-19. “Hindi po namin ito ginusto na mangyari. Kung may choice lang kami, hindi na kami papasok dahil natatakot din kami para sa mga pamilya namin,” sabi ni Maphie.

Samantala, nitong Marso 27 ay may isang personnel ng isang hospital ang hinarass ng 5 katao at sinabuyan ng zonrox. Mabuti na lamang at mabilis siyang naasikaso sa isang malapit na pagamutan.

Loading…