Obrang walang katumbas: Netizen, iginuhit ang Rizal Park sa Luneta gamit ang Microsoft Excel

  • Trending ngayon sa social media ang obra ng isang netizen na bunga ng pagkamalikhain at tiyaga
  • Iginuhit niya kasi ang Luneta Park sa pamamagitan ng Microsoft Excel 
  • Umabot daw sa mahigit na 87,000 cells ng nasabing computing software ang nagamit niya para iguhit ang sikat na pasyalan

Ngayong nasa bahay-bahay lamang ang karamihan ng mga Pilipino, ang marami sa atin ay mas pinipiling ilabas ang kanilang talento at ituon ang panahon sa paghasa ng kanilang galing sa isang bagay. May ilang netizens ngayon ang nagpapamangha sa kapuwa social media users nila dahil naipamamalas nilang walang imposible sa taong malikhain ang isip.

Isa sa mga trending ngayon ang netizen na si Robert Stephen Nuñez dahil pinabilib niya ang mga netizen sa isang obrang maestrang tila walang katumbas. Ginamit niya kasing ‘canvas’ sa kanyang likha ang isang software na nilikha upang gumawa ng computations.

Larawan mula sa post ni Robert Stephen Nuñez

Ibinida ni Robert sa kanyang Facebook post ang likha niyang guhit ng Rizal Park sa Luneta, Maynila. Ngunit hindi ang mga legit na drawing applications at software ang kanyang ginawang platform kung hindi ang computing software na Microsoft Excel.

Nakamamangha ang ganda ng guhit ni Robert na talaga namang makikita mong pinagbuhusan ng panahon. Maaliwalas ang pagkakaguhit niya sa paligid ng Luneta kung saan makikita ang dambana ni Dr. Jose Rizal.

Sa tapat nito ay ang mga taong masayang namamasyal na karaniwang eksena talaga sa Luneta. Sa unang tingin, hindi mo aaklaing gawa sa cells ng Microsoft Excel ang buong larawan. Pero matiyagang kinulayan ay idinetalye ni Robert ang larawan. Ayon sa kanya, umabot daw sa 87,346 cells ang likha niyang ito.

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang kanyang obra. Umabot lang naman sa higit 34,000 reactions na karamihan ay ‘wow,’ 2,400 comments, at 16,000 shares ang nakuha ng kanyang guhit ng Luneta Park gamit ang Microsoft Excel.

Larawan mula sa Flickr

Marami namang netizens ang nagpaabot ng kanilang paghanga sa husay at tiyaga ni Robert. Ayon sa kanila, na-inspire silang gumuhit din ng mga larawan gamit ang kanilang computer, at balak ding subukan ang Microsoft Excel bilang medium.

May ilang netizens naman na tila hinahanap ang tinaguriang pambansang photob0mber sa likod ng Luneta monument. Biro nila, sana raw ay isinama ito ni Robert sa kanyang obra. Sabi naman ng ilan, ayos na raw ito na kahit sa drawing man lang ay maalis ang gusali sa likod ng dambana ni Rizal.

Loading…