One seat apart? Netizen, nagulat na may ‘exam’ sa loob ng convenience store dahil sa pagkakaupo ng mga customer

  • Trending sa social media ang larawan ng convenience store kung saan makikitang maayos na nakaupo ang mga customer
  • Dahil sa kanilang pagkakaupo, aakalain mo sa unang tingin na mayroong exam na nagaganap sa tindahan
  • Maraming netizens naman ang na-good vibes dahil sa larawan kaya naman umani ito ng daang libong shares

Maraming mga mag-aaral ang labis-labis ang kaba kapag dumarating ang araw ng exam sa paaralan. Nag-aral man o hindi, parehong may kabog sa dibdib ang mga mag-aaral dahil hindi nila alam ang lalabas na tanong sa pagsusulit. Madalas ring pinaghihiwalay ng upuan ang mga estudyante upang maiwasan ang kopyahan.

Normal na eksena na iyon sa mga classroom. Pero ang isang netizen, laking gulat na may ‘exam’ ding nagaganap sa pinuntahan niyang convenience store. In-upload ng netizen na si Denz Jeme Iguis Nario sa kanyang Facebook account ang larawan ng mga customer sa isang convenience store na tila naka-one seat apart na animo’y may pagsusulit na nagaganap.

Larawan mula sa Facebook post ni Denz Jeme Iguis Nario

Isang customer ang nakaupo sa isang upuan at lahat pa ay nakaharap sa dingding. Kung hindi mo nga makikita ang mga paninda sa bandang kanan ng larawan at hindi nahagip ang counter ng 7-Eleven ay mapagkakamalan mo talagang mga estudyanteng kumukuha ng exam ang mga nakaupo dahil ilan sa mga customer ay naka-uniporme pa.

“Di ako nasabihan may exam pala,” sabi ni Denz sa kanyang viral post. Marami ang na-good vibes dito kaya naman dumagsa ang reactions at shares. Habang isinusulat ang kuwentong ito, mayroon nang 87,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 586 comments, at 107,000 shares ang nasabing post.

Maraming netizens ang nagpaabot ng kani-kanilang komento sa nasabing larawan. Sabi nila, baka raw may nagaganap na entrance exam ang convenience store para sa kanilang susunod na crew o staff nang pumasok si Denz kaya naka-one seat apart ang mga customer.

“Kailan po next entrance exam sa 7-Eleven?” pilyong komento ng isang netizen sa post na umani rin ng maraming reactions.

Larawan mula sa Freepik

Nagbigay naman ng nostalgia sa ibang social media users ang nasabing larawan. Marami sa kanila ay kinokomento ang mga pamosong linya ng mga prof at guro kapag oras na ng exam tulad ng “get one and pass.”

Mayroon namang ilan na nagmamalaki na buti na lamang daw at sa branch na kanilang napasukan ay walang exam dahil hindi pa raw sila handa at hindi pa nakakapag-review.

Loading…