Open letter ng pulis, ipinaliwanag kung bakit kailangan sila sa community quarantine

  • May “open letter” ang isang pulis para sa mga taong nagbibigay ng kritisismo sa kanila kaugnay sa pagkakatalaga sa kanila sa panahon ng community quarantine sa NCR
  • Ipinaliwanag niyang ginagawa lamang nila ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan
  • Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens

Hindi pa man ganap na naiimplementa ang “community quarantine” sa buong National Capital Region o NCR, kaliwa’t kanan na ang kritisismo lalo na’t inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at sundalo na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa halos isang buwang quarantine ng NCR.

Kaya naman, isang pulis na nagngangalang “Julius” ang nagpahayag ng kaniyang saloobin hinggil dito sa pamamagitan ng isang “open letter”.

Ipinaliwanag niya sa Facebook post kung bakit nga ba kailangan ang mga gaya niyang pulis sa isinasagawang community quarantine, bagay na kinukuwestyon ng nakararami.

Imahe mula sa Facebook account ni Julius Manalo

“Di po ba kayo nagtataka, kapag may SUNOG, may bumbero tapos may pulis? Kapag may BAHA, may rescuer at PULIS? Simpleng maligaw ka, ‘MANONG PULIS‘? Paano po papunta sa ganito? At kahit noong SEA Games, kapiling ninyo ang PULIS,” panimula ng post.

Hindi na raw dapat pang tinatanong o iniisa–isa ang kanilang involvement sa lahat ng bagay. Kasama raw sa kanilang misyon at bisyon na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng isang lugar, lalo pa’t marami talagang pasaway na mga mamamayan.

Kaya naman sa banta umano ng COVID–19, nariyan ang kapulisan upang matiyak na nasa kaligtasan ang mga frontliners, mga pasyente, at lahat ng mga mamamayan. Hinikayat niya ang publiko na suportahan sila sa pamamagitan ng pakikiisa at pagsunod sa direktiba gaya ng curfew. Para naman daw sa kaligtasan ng pamayanan ito.

“Pero ayaw kong kalimutan, ang sabi sa mission namin, ‘with the active support of the community’. OPO! Kasama po kayo. Papaano kayo makakasuporta? Sa simpleng pagsunod lang. Ayos na po. Kapag may quarantine, please follow, kapag may curfew, please follow, after all para po sa lahat ito,” ayon sa pulis.

Public Domain Image

Ayos lamang daw na hindi sila mapasalamatan sa mga ginagawa nila, subalit sana naman daw ay isama sila sa panalangin na magampanan nila nang mabuti ang kanilang sinumpaang tungkulin na proteksyunan ang mga mamamayan, at huwag silang dapuan ng virus, kasama ng mga health workers. May sari–sarili rin silang pamilya, ‘di ba, na naghihintay sa kanila.

“Dahil may mga pamilya rin kaming naghihintay sa amin, magulang, asawa, kapatid, at anak na uuwian, na nagsasabing ‘Tatay, huwag ka na pumasok’, o kaya, ‘Maghanap ka ng ibang trabaho na lang’. Pero hindi, sumumpa kami at kailangan namin iyong gampanan” huling talata sa open letter.

Narito naman ang iba’t ibang komento ng mga netizens:

“Salamat po sa inyong pagmamalasakit. Pagpalain po kayo at ingatan ng ating mapagmahal na Diyos!” ayon sa isa.

Turan naman ng isa, “Salamat po sa lahat ng sakripisyo at pagpapagal ninyo, hindi lamang para sa pamilya ninyo kundi higit para sa nakararami. Gabayan at protektahan nawa kayo ng Panginoong Diyos sa lahat ng panahon at pagkakataon. God bless po.”

“Salute to our modern day heroes. Keep it up. Kasama po kayo sa aming panalangin!” pagtitiyak naman ng isa.

Hangad po namin ang inyong kaligtasan hanggang sa dulo ng labang ito. Mabuhay po kayo!

Source :

Facebook

Loading…