Paalala ng bumbero kapag may sunog: “Huwag ninyong i-video, itawag ninyo”

  • Nagbigay ng paalala sa publiko ang isang bumbero
  • Huwag raw i–video lamang ang sunog kundi itawag ito at ipagbigay–alam sa kinauukulan upang maapula
  • Ang Marso ay “Fire Prevention Month”

Sa pagpasok ng buwan ng Marso, muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection na maging maingat sa paggamit ng apoy at mga kagamitang elektroniko dahil ito ang “Fire Prevention Month” kung saan kadalasang tumataas ang kaso ng mga sunog dahil na rin sa mainit na panahon.

Kaya naman, nagpaalala ang isang bumbero na nagngangalang “Ron Bago” na maging aktibo at vigilante sa pagre-report sa mga kinauukulan kung may insidente ng pagkasunog sa isang lugar.

Makikita sa kaniyang Facebook post noong Marso 2, 2020 ang kaniyang larawan habang hawak ang caption na “Huwag ninyong i-video, itawag ninyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Ron Bago/Public Domain Image

Nagbigay naman ng reaksyon at komento rito ang mga netizens.

Sabi ng isa, “Sabagay, hindi naman kasi nagbubuga ng tubig ang cellphone. Gusto ng iba, sa kanila muna manggaling na may sunog. Pabida kumbaga. Kaya mas nauuna ang video kaysa tumawag.”

“Ayun na nga, nang mauso ang mobile phones na may magagarang camera, lahat na lang gusto i–video. Masyado nang sumampalataya sa ‘kapangyarihan’ ng camera pero pinababa naman ang kakayahan nating mag-isip nang naayon sa pangangailangan. Biruin mong may sunog na, vinideo mo pa?! May tumawag ba ng bumbero? Wala!” saad naman ng isa.

Turan naman ng isa, “Basta itawag lang po. Yung pag-video nila choice na nila yun. Mas madali kasi ikalat yung balita pag may picture or video. Gamit na gamit natin lahat ‘yan, pati ang CCTV at mga body cams sa panahon ngayon. Sobrang laking tulong niyan.”

Public Domain Image

Sa panahon ng mga pangangailangan tulad ng sunog, makabubuting alam ng sinuman ang numero ng mga emergency hotlines na maaaring tawagan upang makatulong sa pagsawata nito. Gamitin ang internet at iba pang mga mabibilis na access upang makahingi ng tulong at maiwasan ang malakihang mga perwisyong dulot ng sunog.

Sabi nga, iba na ang laging handa!

Loading…