Pabahay sa Batangas na ayaw tirhan ng mga beneficiaries; tinitirhan ngayon ng mga Taal evacuees

  • Nagsisilbing evacuation center ng mga taga-Batangas ang isang housing project para sa PNP at Army
  • Ayaw daw kasi itong tirhan ng mga benepisyaryo kaya naman naabandona na simula noong 2017
  • Nagpadala naman ng ayuda ang ABS-CBN sa mga evacuees dahil wala raw silang pinagkakakitaan doon

Isa sa mga benepisyo sana ng mga pulis at sundalo mula sa pamahalaan ang pabahay mula sa National Housing Authority (NHA). Matatagpuan ang isang housing project site ng NHA para sa mga opisyal sa Ibaan, Batangas. Tinatawag ang lugar na Sea Breeze Residences na nasa Barangay Talaibon.

Naitayo na nga ang mga bahay doon at tinatayang 1,200 units ang nakalaan para sa mga pulis at sundalo at kanilang mga pamilya. Ngunit matapos pondohan ng NHA at ng pamahalaan, ayaw naman daw itong okupahin ng mga opisyal ng PNP at Army.

Larawan mula sa NHA

Dahil dito, ginawan ng paraan ng gobyerno ang mga bakanteng bahay at ang mga ito ay naging pansamantalang tahanan ng mga Taal evacuees.

Sa isang ulat ng ABS-CBN News, 2017 pa raw ay maaari nang tirhan ang mga unit na mayroong 20 square meters na sukat. Ngunit marami daw sa mga benepisyaryo ang ayaw kunin ang mga unit. Nabakante ito hanggang Enero nitong taon at nakitang marami nang sira ang mga abandonadong unit.

Inayos lamang ito ng lokal na pamahalaan upang matuluyan na ng mga evacuees na nagsisilbi na nga nilang tahanan sa ngayon.

Ayon sa ilang evacuees, bagama’t wala silang maayos na pinagkakakitaan sa lugar, mas ayos na raw dito kaysa sa mga covered court at paaralan dahil may sari-sarili silang pansamantalang natutuluyan.

Nang malaman ng Kapamilya network ang kalagayan ng mga residente sa Sea Breeze Residences ngayon, agad silang tumugon sa pangangailangan ng mga ito. Nagkaroon sila ng programa para naman maaliw ang mga evacuees. May ilang celebrities na nagtanghal habang mayroon namang namigay ng mga first aid at emergency kits.

Nagkaroon din ang ABS-CBN at partner nilang foundation ng isang livelihood seminar upang mabigyan ng ideya ang mga evacuees ng maaari nilang pagkakitaan. Nakatanggap din ng plywood ang bawat pamilya upang matulungan silang makumpuni ang kanilang mga pansamantalang tahanan.

Larawan mula sa video ng ABS-CBN

Nagsisiksikan na rin sa Talaibon Elementary School ang mga mag-aaral dahil pumapasok na rito ang ilang batang evacuees. Umaabot na raw sa 70 sa isang silid ang mga mag-aaral kaya naman pasakit na rin ito sa mga guro.

Kaya naman maliban sa mga housing units, nais na rin ng mga awtoridad na buksan ang paaralan na itinayo rin sa Sea Breeze. Makatutulong daw ito upang mabawasan ang mga estudyante sa Talaibon Elementary School.

Panoorin ang pagtulong ng Kapamilya Network sa mga Taal evacuees sa kanilang YouTube channel:

Source :

YouTube, NHA

Loading…