Hirit ng PAGASA: ‘Walang summer sa ‘Pinas, dry season lang’

  • Netizens, ramdam na ang init na dala ng pagbabago ng panahon
  • PAGASA may hirit ngayong panahon ng tag-init
  • Dry season dapat at hindi summer ang tawag sa kasalukuyang panahon ngayon sa bansa

Panahon na naman ng kaliwa’t kanang mga posts sa social media patungkol sa summer, lalo na sa pagpasok ng buwan ng Marso. Subalit ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o mas kilala sa tawag na PAGASA, may hirit din ngayong tag-init.

Imahe mula sa Twitter account ni
@Isabelle_Ortiz

Hindi pa man gaanong naramdaman ang pagdaan ng buwan ng Pebrero at ang lamig na dala nito, bigla na lang paggising mo isang araw ay sasalubungin ka na ng init ng panahon.

“Hello, March!” ang bati pa ng ilan.

Kaya naman karamihan sa mga netizens ay hindi na nakapagpigil pa at ang ilan ay nagbahagi na ng kanilang mga saloobin sa social media.

“Is it officially summer @dost_pagasa?” tanong ng isang Twitter user na si @Isabelle_Ortiz.

Isang simpleng tanong na ang akala ng marami ay alam na nila ang sagot lalo na sa panahon na nararanasan ngayon, subalit hindi inaasahan ang natanggap na sagot mula mismo sa PAGASA.

There is no ‘summer’ in the Philippines. Ang buwan ng Marso, Abril, at Mayo ay ang ‘dry season,'” paglilinaw ng naturang ahensiya sa kanilang official Twitter account.

Sa kanilang website, mababasa sa bahagi ng Climate of the Philippines ang The Seasons kung saan nakasaad na ang bansa ay may dalawang panahon lamang. Ito ay ang tinatawag na rainy season simula buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre at ang dry season simula naman buwan ng Disyembre hanggang Mayo.

Nahahati rin ang dry season sa dalawang bahagi, ang cool dry season na nararanasan simula Disyembre hanggang Pebrero at ang hot dry season na nararanasan natin ngayong Marso at magtatagal hanggang Mayo.

Imahe mula sa DOST-PAGASA website

Dahil ang bansang Pilipinas ay nasa lokasyong tinatawag na Tropical Zone, natural lang na dalawang panahon lamang ang nararanasan natin.

Samantalang ang mga bansang nasa Temperate Climate Zone ay nakararanas naman ng apat na panahon: summer, autumn/fall, winter, at spring.

Ganun pa man, naging parte na ng buhay at nakasanayan na ng karamihan sa atin ang paggamit ng salitang “summer” lalo na sa mga bagay at gawain gaya ng summer classsummer vacationsummer outfit, at marami pang iba.

Lalabas at lalabas ang mga posts na summer getaway…malamang!

Loading…