Pageant ng isang elementary school sa La Trinidad, Benguet, pagkolekta ng basura ang layunin at hindi pagrampa

  • Kakaiba ang pageant ng isang elementary school sa La Trinidad, Benguet
  • Imbes kasi na pagrampa, pagkolekta ng basura ang kanilang ginagawa
  • Ibinebenta ang mga basura upang makapagpatayo ng mini-museum sa kanilang paaralan

Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang pinakamatinik pagdating sa international beauty pageants. Ang mga kandidata natin ay talaga namang ginugulat ang mundo dahil sa kanilang angking ganda, talino, at husay sa pagrampa.

Ngunit ang isang paaralan sa La Trinidad, Benguet, kakaibang beauty pageant ang sinimulan na naglalayong ibida ang kaayusan ng paligid at hindi ang gandang pisikal ng mga kandidato.

Sa isang ulat ng ABS-CBN News Northern Luzon, ibinida ng Alno-Kadoorie Elementary School ang kanilang pageant for a cause.

Larawan mula sa video ng ABS-CBN News

Imbes kasi na rumampa sa runway ang mga kandidato at gawin ang mga tradisyonal na bahagi ng isang beauty pageant tulad ng question and answer at talent portion, mas nagtuon ang kanilang pansin sa pagkolekta ng mga basura sa kanilang eskwelahan at barangay.

Sama-sama ang mga kandidato, kanilang mga kaklase, mga guro, ilang magulang, at opisyal ng barangay upang manguha ng mga basura na kanilang iipunin at ibebenta. Ang kanilang malilikom na pondo ay nakatakda nilang gamitin upang makapagpatayo ng isang mini-museum para sa kanilang paaralan.

Marami naman ang pabor sa ginawang proyekto ng kanilang school principal na si Regina Sarmiento. Ayon sa kanya, malaki ang pakinabang ng ganitong klase ng programa dahil maliban sa matutugunan na nila ang badyet na kailangan para sa karagdagang pasilidad ng eskwelahan, ay makatutulong din sila sa paglinis ng kanilang komunidad.

Noong Enero pa nagsimulang mangolekta ng basura ang Alno-Kadoorie Elementary School at magpapatuloy ito hanggang sa huling linggo ng Marso. Kahit na nakatuon ang pageant sa paglilinis, magkakaroon pa rin naman ng coronation night ang nasabing pageant for a cause.

Larawan mula sa video ng ABS-CBN News

Bago ang bakasyon at recognition ceremony, sa Marso 27 nakatakdang gawin ang kanilang coronation night. At bilang pagtugon sa tema, ang mga contestants ay nakatakdang magsuot ng kanilang damit na yari naman sa mga iniresiklong materyales mula na rin sa basura.

Ayon sa mga netizens, dapat daw ay tularan ng ibang paaralan ang ganitong mga proyekto sa halip na maglunsad ng magagastos na aktibidad sa paaralan. Malaking tulong daw kasi lalo na sa panahon ngayon ang maglinis ng kapaligiran at ang ituro ito sa mga mag-aaral.

Panoorin ang ulat ng ABS-CBN News tungkol sa kakaibang pageant:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…