Pagpapatayo ng 34 “New York-Style” Wi-Fi hotspots sa Lungsod ng Maynila sinisimulan na

  • Tatlumpu’t apat na Wi-Fi hotspot terminals sinisimulan nang itayo sa iba’t ibang lugar sa Lungsod ng Maynila, partikular na sa University Belt
  • Ang konsepto ng proyekto ay hango sa LinkNYC Wi-Fi phone kiosks sa Manhattan, New York
  • Inaasahang sa susunod na dalawang linggo ay maaari nang magamit ang mga ito

Sinisimulan na ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagsasakatuparan ng layunin nitong gawing “Center of Convenience” at “Smart City” ang lungsod sa pamamagitan ng pagpapatayo ng tatlumpu’t apat (34) na Wi-Fi hotspot terminals.

Imahe mula sa Manila PIO

Matatandaang noong Agosto ng nakaraang taon ay inilunsad ang kauna-unahang free WiFi hotspot kiosk sa Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City Hall.

Ang fiber-powered system ay mayroong charging ports para sa mga mobile phones at maaari rin itong gamitin para sa landline calls.

Sinabi noon ni Manila Mayor Isko Moreno na ang konsepto ay hango sa LinkNYC Wi-Fi phone kiosks sa Manhattan, New York.

Noong Miyerkules, ika-4 ng Marso, ay nilibot ni Mayor Isko, kasama ang hepe ng Department of Engineering and Public Works, ang mga lugar na pagtatayuan ng mga Wi-Fi hotspots sa kahabaan ng España Boulevard, partikular na sa harapan ng University of Santo Tomas,hanggang sa boundary ng Quezon City.

Imahe mula sa Manila PIO

Kabilang sa pagtatayuan ng Wi-Fi hotspot terminals ang palibot ng University Belt (U-Belt) upang mapakinabangan ito ng mga estudyante. Bukod sa libreng internet access ay magkakabit din ng mga karagdagang CCTV camera sa paligid ng U-Belt upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.

“Kahit naglalakad ka, always Konek, walang tosgas. T.Y.-T.Y. (thank you) lang,” sabi ni Yorme sa mga estudyanteng nakasalamuha sa ginawang paglilibot.

Inaasahang magagamit na ang New York-Style Wi-Fi hotspot terminals sa susunod na dalawang linggo.

Imahe mula sa Manila PIO
Source :

Facebook, Sagisag

Loading…