Panawagan ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa publiko: “Huwag ikumpara sa isa’t isa ang mga LGUs”

  • Pakiusap ni Pasig City Mayor Vico Sotto na huwag ipagkumpara ang mga LGUs sa pagpuksa sa C0VID-19
  • Ayon sa kaniya, dapat daw ay magtulungan ang bawat LGU para maging mabisa ang bawat plano
  • Dapat din daw ay bukas ang bawat LGU na gayahin ang magagandang planong nakikita sa ibang lungsod at lalawigan

Naging matunog ang pangalan ng 30-anyos Pasig City Mayor na si Vico Sotto dahil sa magagandang hakbang na ginagawa niya sa kanyang lungsod sa kabila ng enhanced community quarantine na ipinatutupad sa buong bansa. Dahil sa mabilis at mga epektibong aksyon, maraming netizens ang nagkukumpara ngayon kay Vico sa kani-kanilang mga alkalde.

Pero sa isang panayam para sa 24 Oras, sinabi ni Vico na hindi dapat pinagsasabong ang mga local government units (LGUs) sa ganitong panahon; bagkus,  dapat umanong magkaisa at magtulungan ang mga ito lalo na sa mga ganitong panahon ng sakuna.

Larawan mula sa video ng GMA News

Tinanong ni Jessica Soho si Vico sa nasabing panayam kung ano ang masasabi niya at siya ang nagiging mukha ngayon ng ‘ideal mayor’ ng mga netizens at masyado raw nitong ginagalingan kaya napag-iiwanan na ang ibang lider ng LGUs.

Agad namang tumugon si Vico at sinabing hindi siya pabor sa pagkukumparang ginagawa ng mga tao. Sila raw sa Pasig City ay malaki ang respeto sa ibang LGUs na mayroong magandang ipinatutupad sa kanilang sari-sariling lugar. At kapag daw nakita nilang maganda ito ay ginagaya nila ito at ipinatutupad rin sa kanilang lungsod.

“Sana huwag na nating ikumpara sa isa’t isa ‘yung mga LGU. Kung constructive, okay lang naman. Kasi alam n’yo, dito, kami sa Pasig, kapag may nakikita po kaming magagandang practice sa ibang LGU, ginagaya po namin,” mabilis na tugon ni Vico.

Kabilang daw sa ginaya nilang panukala sa panahon ng community quarantine ay ang anti-panic buying and hoarding ordinance na unang ipinatupad sa Valenzuela City. Isang patunay daw ito na hindi dapat ituring na negatibo ang mga paghahambing; bagkus ay gawing isang mabisang daan sa pagtutulungan.

Larawan mula sa Instagram account ni Vico Sotto

“Kaya kailangan po, ‘yung mga LGU, hindi po dapat negatibo ang comparison kung hindi magtulungan na lang po kami,” sabi ng Pasig mayor na anak nina Coney Reyes at Vic Sotto.

Tinanggap din ni Vico ang pasya ng national government na hindi tanggapin ang suhestiyon niya na payagan ang mga tricycle na makapamasada sa kanilang lungsod. Hindi na niya ito inapela pa at kinabukasan ay nag-deploy na lamang ng sariling sasakyan para sa mga health workers ng lungsod.

Panoorin ang panayam kay Vico Sotto sa 24 Oras:

Loading…