Panic buying ng isang ina, kinatuwaan ng kaniyang mga anak

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang Facebook post ng isang anak hinggil sa mga produktong binili ng kanilang ina bilang supply sa halos isang buwang enhanced community quarantine sa buong Luzon
  • Puro kasi ito mga pagkain at inuming “kindergarten feels”
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Simula nang magkaroon ng suspensyon ng mga klase, pagsasailalim ng buong Luzon sa enhanced community quarantine, at “State of Calamity” sa buong Pilipinas upang masugpo ang paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 o COVID–19, napakaraming mga mamamayan ang agad na nagtungo sa mga grocery stores upang mag–panic buying o magdagdag ng stocks.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen sa kaniyang Facebook post ang mga produktong binili ng kaniyang ina sa panahon ng panic buying nito.

Ayon sa uploader na si “Johnel”, maaaring isang araw lamang sa kanila ang mga pagkain at inuming binili ng kanilang butihing ina, na inilagay na kaagad sa refrigerator, na kadalasang kinakain umano ng mga nasa kindergarten. “Recess Feels”, kumbaga.

Imahe mula sa Facebook account ni Johnel Janu Bagares

Ayon sa post, “Nagpanic si Mama kasi daw lockdown! Hindi niya alam pang isang araw lang ‘to. Raaawr!! Hahaha. #BaonPangRecess #KinderGartenFeels”

Makikita sa larawan ang laman ng refrigerator na punumpuno ng mga “pambatang” pagkain gaya ng mga biskwit, cupcakes, mga chocolate bars, mga tetra pack juices, cultured milk, chocolate drinks, at mga iced tea. Hindi rin mawawala ang palamang keso para sa tinapay.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Mabuti nga may stock po kayo, ang ibang tao puro panic lang, walang buying! Okay na rin po iyan. Pampasayang mga pagkain. Tipirin ninyo po para umabot ng isang buwan.”

“Namiss ko ang mga ganiyang pagkain at drinks! Naalala ko, iyan ang mga pinapabaon sa akin noong elementary pa lang ako. Makabili nga rin niyan minsan!” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Be thankful na lang po! At least may stock na po kayo.”

Samantala, hinihikayat naman ng pamahalaan ang lahat na huwag magsagawa ng panic buying, lalo na sa mga produktong medical upang hindi maubusan ang mga frontliners na talagang gagamit nito. Bumili lamang umano ng sapat para sa pamilya sapagkat hindi naman daw mauubusan ng supply.

Public Domain Image

Loading…