Payo ng isang blogger sa mga naghahanap ng pag-ibig: “Pumili ng isang taong mabuti anuman ang financial status nito”

  • May makabuluhang payo ang isang blogger sa mga naghahanap ng partner sa buhay
  • Ayon sa kanya, huwag daw hanapin ang isang taong mayaman sa pera, bagkus ay yaong mayaman sa kabutihan
  • Kapag daw kasi nasa iisang bubong na kayo, malalaman mong mas mahalaga ang maayos na pagsasama kaysa masaganang bulsa

Marami sa atin ang naghahanap ng forever o isang tao na makakasama natin habambuhay. Iba-iba ang ating pamantayan sa taong gusto nating makapiling hanggang sa pagtanda. Siyempre, ang mga katangiang ito ay positibo, kabilang na minsan ang pagiging praktikal at paghahanap ng taong may magandang estadong pampinansyal.

Ngunit ayon sa isang blogger, hindi naman daw dapat natin hinahanap ang isang taong mayaman sa salapi. Bagkus, dapat daw ay hanapin natin ang isang taong mayaman sa kabutihang-asal dahil isa raw ito sa tunay na makapagbibigay ng ligaya sa isang relasyon.

Larawan mula sa Pexels

Trending ngayon ang blog entry ng website na Tipid Mommy na pinamagatang “Choose a man with good heart no matter what his financial status is.”

Nilalaman kasi nito ang payo at karanasan ng blogger sa paghahanap ng tunay na pag-ibig na natagpuan niya sa isang lalaking hindi naman ganoon kalaki ang kita.

Ayon sa blog, noon daw nais ng blogger na makapangasawa ng isang taong mayaman dahil batid niyang makapagbibigay ito ng maginhawa at komportableng pamumuhay sa kanya at sa kanyang magiging pamilya sa hinaharap. May mga nanligaw naman daw sa kanyang mayayaman talaga, pero ipinagpapasalamat ni Tipid Mommy Gracie na wala siyang sinagot sa mga ito.

Nabalitaan niya raw kasing ang mga babaeng napangasawa ng kanyang mga dating manliligaw ay hindi masaya ngayon. Ang ilan daw ay nalul0ng sa pagsusugal, habang ang ilan naman ay piniling mangaliwa sa kanilang mga asawa.

Masaya raw ang blogger na ang kasama niya ngayon ay isang lalaking ‘work in progress.’ Hindi man daw perpekto ang kanyang asawa, hindi naman daw ito nagkukulang sa pagbibigay ng pagmamahal at tunay na pagkalinga. Kasama niya raw ito sa pagtupad sa kanilang pangarap anuman ang pagdaanan nila.

“Inside the reality of married life you’ll see that having a big house, huge savings accounts are only secondary… You’ll prefer someone whom you can talk to about anything, someone who’s also a good father to your children, someone who’s faithful, someone you can trust,” bahagi ng blog entry ni Tipid Mommy.

Larawan mula sa Pexels

Agad namang nag-viral sa social media ang blog na ito ni Tipid Mommy. Umabot lang naman sa higit 43,000 shares ang nakuha nito mula nang ibahagi sa kanyang Facebook page. Sumang-ayon naman sa kanya ang maraming netizens.

Marami sa kanila ang nagbabahagi rin ng kuwento ng pag-ibig ng kanilang mga asawa. Totoo raw ang sinabi ni Tipid Mommy. Wala raw talagang katumbas na yaman o regalo ang pagbibigay ng asawa ng katapatan sa kanyang kabiyak.

Loading…