PH15 naghatid ng pag-asa sa mga positibo sa COVID-19

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via Facebook
  • Naghatid ng pag-asa si PH15, isa sa mga naka-recover mula sa COVID-19, sa mga kapwa niya nag-positibo at maging sa mga Pilipino
  • Aniya, hindi dead end ang sakit na ito dahil malaki pa rin ang tsansa na gumaling
  • Payo niya, sundin ang preventive measures na ipinatutupad upang hindi na ito kumalat

May pag-asang gumaling ang mga may COVID-19.

Ito ang mensahe ni PH15, isa sa mga naka-recover na mula sa sakit, sa mga nangangamba tungkol sa pandemic na ito.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via Facebook

Sa isang panayam sa ABS-CBN News ay binalikan ng 25 anyos na lalaki mula sa Makati City ang araw na nalaman niyang positibo siya rito – na nagkataong araw pa ng kaniyang birthday.

“Sobrang sakit kasi nung nakuha ko yung resulta ko, birthday ko rin. So parang ang hirap sa loob ko na kaarawan ko, wala akong kasama, isolated ako physically, mentally, parang nawalan ako ng gana sa life,” sabi ni PH15.

Aminado siyang nangamba siya sa maaari niyang kahinatnan dahil may mga kaso kung saan nagkakaroon ng komplikasyon ang mga pasyente. Wala naman daw siyang lagnat ngunit pinahihirapan siya ng kaniyang ub0 kaya binibigyan siya ng gamot para rito.

Bukod sa nararamdamang sakit at takot, nakaramdam din ng lungkot si PH15 dahil naka-isolate siya at pinupuntahan lamang ng nurse upang i-check at hatiran ng gamot. Kahit ganoon, nanatili ang komunikasyon niya sa kaniyang pamilya at mga kaibigan na nagpalakas ng kaniyang loob.

Nagbasa rin siya ng mga kuwento ng paggaling ng mga nagpositibo sa ibang bansa.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via Facebook

“Nakatutulong siya sa akin mentally kasi alam ko na may pag-asa pa pala. Na hindi siya dead end para sa mga COVID positive. ‘Yon na may pag-asa na gumaling. So doon ako nag-focus,” kuwento niya.

March 15 daw nang ibalita ng doktor na dalawang beses na siyang nag-negatibo sa COVID-19 kaya naman maaari na siyang makalabas.

“That moment, sobrang saya. Sobrang ginhawa. Para kang nahimasmasan na ‘yong pagasa, meron pa talaga,” dagdag ni PH15.

Sumasailalim siya sa 14-day quarantine at patuloy na iniinom ang reseta ng doktor.

Payo niya sa mga kapwa Pilipino, huwag mangamba at sumunod sa payo ng mga eksperto.

“So ang advice ko lang talaga ay social distancing, napakaimportante niyan. ‘Wag na ‘wag nating iignore ‘yung mga preventive measures na sinasabi ng government kasi it is very important to contain this disease talaga,” aniya.

Panoorin dito ang kaniyang kuwento:

Source :

Facebook

Loading…