PH194, may emosyonal na liham sa gitna ng pakikipaglaban sa sakit

Imahe mula sa Facebook | Dr. Grace Caras-Torres
  • Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ni PH194 ang kaniyang pinagdaraanan
  • Hiling niya na sana ay suportahan ng kanilang mga mahal sa buhay ang mga may COVID-19 dahil bukod sa paglaban sa virus ay lumalaban din sila para sa katinuan ng isip
  • Sana rin daw ay gumaling na silang lahat at hindi na tumaas ang bilang ng mga nawawala dahil sa COVID-19

“Hindi pa ako handang mamatay.”

Ito ang pahayag ng isang doktor na kabilang na ngayon sa mahigit 500 na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa Facebook | Dr. Grace Caras-Torres

Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay inamin ni Dr. Grace Torres na siya si PH194.

“Ako si #PH194. Mabuti nang sa akin ninyo direktang malaman, kesa sa tsismis,” aniya. Dagdag niya pa, bagama’t nakararanas ng mga sintomas ng COVID-19 ay hindi niya akalain na agad siyang tatamaan nito.

Nagkaroon daw siya ng paulit-ulit na high grade fever, kakaibang sakit ng ulo at katawan, at kawalan ng ganang kumain kaya inisip niya na chikingunya ang nararanasan.

“Saka lang nag-sink in sakin na posibleng COVID-19 nga ito noong nalaman kong may symptoms din yung kasama kong mag-0pera ilang araw nang nakalipas,” sabi ni Dr. Grace. “Diyos ko po, una kong naisip ang pamilya ko: ang anak kong 4 years old at ang parents kong seniors. Inexpose ko sila, ang iyak ko noon. Di bale nang ako, ‘wag lang sila.”

Dahil sa karamdaman, mag-isa siyang nagdiwang ng kaniyang ika-42 kaarawan. “Nag-birthday akong nakaquarantine at may sakit na nakamamatay. Buti pala umabot pa ako ng 42. Wala akong choice kung hindi libangin ang sarili ko sa pagbabasa ng social media,” sabi pa ni Dr. Grace.

Umabot daw siya sa puntong inakala niyang pagaling na siya ngunit nakaranas siya ng LBM. “Sabi sa Wuhan, kapag nagkaroon ng gastrointestinal symptoms, tuluy-tuloy nang pumapangit ang kondisyon,” pagbabalik-tanaw niya.

Imahe mula sa Facebook | Dr. Grace Caras-Torres

Sa puntong ito na raw siya nakaramdam ng takot. “Hindi pa ako handang mamatay. Masamang damo ako, ‘di ba? Kailangan pa ako ng anak ko. Sasabak pa ako sa giyera,” aniya.

Napagtanto niya rin daw na hindi lamang sakit ang kailangan niyang labanan kung hindi pati katinuan ng pag-iisip kaya naman payo niya sa mga kaanak at kaibigan ng mga may sakit o naka-quarantine, kumustahin nila ang mga ito dahil kailangan nila ng magpapalakas ng loob.

Hiling niya, sana ay gumaling na lahat ng nakararanas nito at wala na sanang bawian ng buhay.

“Miss na miss ko na ang anak ko. Ngunit salamat pa rin sa lahat ng taong tumulong at nangumusta. Too many to mention. Mahal ko kayo. At Diyos ko, maraming salamat po at buhay pa ako at okay ang pamilya ko.”

Source :

Facebook

Loading…