Pinoy indie films sa YouTube pangontra sa pagkabagot sa gitna ng lockdown

  • Film producers nag-upload ng mga indie films sa YouTube
  • Ang ginawa nila ay para sa mga kababayang naiinip sa lockdown at walang pambayad ng subscription fee sa Netflix
  • Ang isang buwang enhanced community quarantine ay sa April 14, 2020 pa matatapos

Kung hindi ka sanay na pumirmi sa loob ng bahay nang buong araw ay tiyak na kabagot-bagot ang 30-day enhanced community quarantine na ipinaiiral sa buong Luzon dahil sa health crisis na nararanasan, hindi lang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo.

Imahe mula sa GoodGovPH

Sa ilalim ng Luzon-wide quarantine ay suspendido ang mga pasok sa paaralan at trabaho, maliban sa mga trabaho ng mga frontliners. Ang pananatili sa loob ng bahay ay hinihikayat upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang SARS-CoV-2 na nagdadala ng sakit.

Sari-saring mga paraan ang ginagawa ng mga mamamayan para lang palipasin ang buong araw na pagkainip sa loob ng bahay, kabilang na ang maghapong panonood ng mga pelikula mula sa mga entertainment services providers tulad ng Netflix.

Hindi lahat ay handang magbayad ng monthly subscription sa Netflix at iba pang entertainment service providers kaya naisip ng ilang Pinoy movie producers na mag-upload ng kanilang mga indie films sa YouTube upang libreng makapanood ng mga magagandang pelikulang Pilipino ang mga mamamayang nababagot sa lockdown.

“This is our weapon against boredom,” sabi ng film producer na si Chris Cahilig.

Imahe mula sa The Movie DB

In-upload niya sa video-sharing platform ang “Echorsis,” horror-comedy film kung saan tampok sina John Lapus, Kean Cipriano at Alex Medina.

“This is for our kababayans who don’t have a Netflix subscription and are staying home because of the lockdown,” ani Cahilig.

Ibinahagi naman ng TBA Studios ang mga pelikulang “Bliss,” “Gayuma,” “Iisa,” “Dormitoryo,” “Patintero: Ang Alamat ni Meng Patalo,” “Matangtubig,” “Water Lemon” at “K’na, the Dreamweaver.”

Ang isang buwang enhanced community quarantine ay sa April 14 pa matatapos.

Imahe mula sa Facebook page ng Patintero: Ang Alamat ni Meng Patalo

Loading…