PNP Chief nag-warning sa mga bumibiyaheng PUV, sasakyan mai-impound kapag nahuli

  • Marami pa ring PUV ang bumiyahe sa unang araw ng pagpapatupad ng temporary suspension ng public transport
  • Nagbabala ang PNP chief na dadalhin sa impounding area ang mga sasakyang mahuhuling bumibiyahe
  • Sa ngayon ang mga driver na nahuli ay pinauwi na lang at walang impounding na naganap

Marami pa ring mga sasakyang pampubliko ang nasa mga lansangan sa kabila ng malinaw na deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendido na ang lahat ng public transport sa buong Luzon.

Screenshot mula sa GMA video

Sa kahabaan ng EDSA, northbound at southbound, napakaraming mga taxi at UV Express van ang pinatigil ng kapulisan sa pagbibiyahe. Ang katuwiran ng karamihan sa kanila ay hindi sila naabisuhan ng kanilang operator na suspendido na ang public transport. Kasi raw ay galing sila sa magdamagang biyahe.

May mga pasahero ng UV Express ang pinababa at pinauwi ng mga awtoridad, kaya marami sa kanila ang nakiusap sa mga pribadong motorista na makiangkas.

Dahil sa tila pagwawalang-bahala sa total ban sa public mass transportation ay nagbigay ng warning si PNP chief Archie Gamboa.

Ang mga PUV na mahuhuling bumibiyahe habang umiiral ang enhanced community quarantine ay huhulihin at ang sasakyan ay mai-impound. Inatasan na niya ang Highway Patrol Group na ipatupad ang direktiba ng Pangulo.

“Sinabihan ko kanina ang Highway Patrol… specific…na hulihin ninyo lahat, kung kailangan i-impound natin, of course problema na naman saan i-impound… so that the people will just see really we will enforce the law,” ani Gamboa.

Imahe mula sa PNP

Aniya, hihilingin niya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maglabas ng official order na nagsasaad ng temporary suspension ng lahat ng public mass transport vehicles.

“Necessarily meron naman silang calibration of offenses, the first time you do it, the second time there’s suspension… so part of my input later, probably LTFRB would really come up with a clear order that all are suspended so that ‘pag na-apprehend, it is not only the ticket that they’re going to face. They’re also going to face administrative charges on the part of their franchise kasi napaka-simple naman sanang ‘wag magbiyahe,” anang PNP chief.

Sa ngayon ang mga driver na nahuling bumibiyahe ay pinauwi na lang at hindi na muna na-impound ang mga minamanehong sasakyan.

“For the meantime, walang impounding. Babala ko na lang sa mga susunod na araw baka ganoon na ang maging kautusan sa amin,”  pahayag ni PNP HPG director P/Brigadier General Eliseo Cruz.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…