PNU: Unang lunduyan ng mga “panday ng kaalaman”

  • Itinampok ng isang netizen ang lumang larawan ng mga mag–aaral sa Philippine Normal School noon
  • Mula sa PNS, naging PNC ito o Philippine Normal College, hanggang sa naging Philippine Normal University
  • Ang PNU ay kinikilala bilang “National Center for Teacher Education” dahil sa de–kalidad na pagtuturo at pagsasanay na ibinibigay nito sa mga nagnanais na maging guro ng bayan

Kung pag–uusapan ang kalidad ng pagtuturo para sa mga guro o “panday ng kaalaman”, tiyak na mangunguna sa listahan ang institusyong sadyang nilikha, itinayo, at itinaguyod para ihanda ang mga taong maghuhulma sa pagkatao ng mga pag–asa ng bayan: ang Pamantasang Normal ng Pilipinas o Philippine Normal University.

Hindi napigilan ng ilang mga alumni ang pagbabalik–tanaw sa kanilang “Inang Pamantasan” o Alma Mater matapos ang pagbabahagi sa Facebook post ni “Romeo del Carmen” sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Makikita ang lumang larawan ng mga mag–aaral sa naturang pamantasan at ang maikling kaligiran sa kasaysayan nito.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image

“The Philippine Normal School formally opened on September 1, 1901 on the site of the former Spanish Normal School in the Escuela Municipal in Manila. It served as an institution for the training of teachers. For more than two decades, PNS offered a two-year general secondary education program…” ayon sa post.

Nagkomento naman dito ang mga netizens na graduate o nagtapos sa naturang pamantasan.

“My dear Alma Mater. 1989 ako nagtapos sa Philippine Normal College na noon. Talagang mahihigpit pero magagaling ang mga professors namin, na kahit hanggang panaginip, makikita mo sila dahil sa sobrang husay nila,” pagbabahagi ng isa.

Turan naman ng isa, “I’m a proud son of my dear alma mater way back 1986. Formal public education started here. Filipinos started to learn and speak American English. A priceless legacy of the Americans.”

“Naiiyak ako kapag naaalala ko ang mga panahong nariyan pa ako, kasama ang mga kaklaseng kalog pero seryoso kapag klase na. Tambayan namin ang UTMT o “Under The Mango Tree” sa harap ng main building. Naging saksi naman ang malawak na grassland sa mga sentimyento de patatas ko. I missed PNU!” pahayag naman ng isa.

Public Domain Image

Mula sa pagiging PNS at PNC, sa kasalukuyan ay itinuturing ang PNU bilang “National Center for Teacher Education”. Sa Setyembre 1, 2020, ipagdiriwang ang 119 taong pagkakatatag nito. Ang “Normal” ay nangangahulugang “school or college for the training of teachers”.

Matatagpuan ang main branch nito sa Taft Avenue, Maynila na katabi lamang ng Manila City Hall, SM Manila, nasa harap ng Pambansang Museo at Rizal Park. Ang iba pang mga campuses nito ay matatagpuan sa North Luzon, South Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang islogan nito ay  “Truth. Excellence. Service.”

Loading…