Pokwang, namahagi ng relief goods sa mga barangay

  • Namahagi ng relief goods ang komedyanteng si Pokwang
  • Prayoridad niya ang mga pamilyang walang pambili ng supplies dahil na rin sa tigil–trabaho kaugnay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine
  • Nauna na rito ang pagbibigay ng sandwiches sa mga health workers at frontliners

Matapos mamahagi ng sandwiches sa mga health workers at frontliners, ipinagpatuloy ng komedyanteng si “Pokwang” o Marietta Subong sa tunay na pangalan, ang pagpapakita ng malasakit sa kapwa, sa pamamagitan naman ng pagbibigay ng bigas at iba pang mga relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine, upang masugpo ang paglaganap ng COVID–19.

Batay sa Instagram post ni Pokwang noong Marso 18, 2020, makikita sa larawan ang mga sako ng bigas, mga kahon ng gatas, kape, de lata, at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao. Mensahe niya sa mga kaibigan niya, wala munang chat at video calls dahil magiging abala siya sa repacking.

Imahe mula sa Instagram account ni Pokwang

“Sa mga friends ko, wala munang video call at group chat hahaha, busy ako magrepack, wait lang po para sa mga nasa bahay na alam nating kahit gusto nilang magtabi para sa lockdown eh wala naman ipantabing pagkain. Kapit lang ha, matatapos din ito,” ayon sa post ni Pokwang.

Sa magkakahiwalay pang Instagram posts, ipinakita niya ang video ng pagkuha ng mga relief goods ng mga barangay captain na pinagkakatiwalaan niya. Ibinilin niya sa mga ito na ipamahagi ang mga naturang supplies sa mga “walang panlockdown” na pagkain, mga nasa kalye, at mga nasa bahay na walang stock at pang–stock.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga taong namumuna sa kaniyang ginagawa. May ilan kasing nagsasabing “pakitang–tao” o “pasikat” lamang ang kaniyang ginagawa; kesyo hindi na raw dapat pang ipakita sa social media ang pagtulong, kung talagang taos sa puso ito.

Sagot ni Mamang Pokwang, “Ito ang tamang panahon para gamitin sa tama ang SOCIAL MEDIA! Manghikayat at magkalat ng good vibes, hindi pangungutya!”

Marami naman sa mga kasamahan ni Pokwang sa showbiz industry ang humanga kay Pokwang, at nag–iwan ng mabubuting mensahe.

Ayon sa mahusay na aktres na si Sylvia Sanchez, “Napakabuti ng puso mo Pokwang. Hayaan mo na mga basher ang importante natutuwa ang DIYOS sa ginagawa mo.”

Pahayag naman ng aktres at kilalang humanitarian at environmentalist na si Antonette Taus, “Love you and support you always Miss Pokwang! Thank you for inspiring us!”

Imahe mula sa Instagram account ni Pokwang

Pagpupugay sa iyo, Miss Pokwang, at sa lahat ng mga “unsung heroes” na nagmamalasakit sa kanilang kapwa! Nawa ay pamarisan kayo ng iba!

Loading…