Psychiatrist, namamahagi ng improvised face shield, libreng e-reseta

Imahe mula sa News 5 via Facebook
  • Isang psychiatrist ang nanguna sa paggawa ng improvised face shield na maaaring gamitin ng mg frontliners bilang proteksyon sa COVID-19
  • Bukod dito ay binuksan niya rin ang kaniyang Facebook account para sa mga nais magpakonsulta at humingi ng reseta
  • Paalala niya, huwag din kalimutang palakasin ang resistensiya dahil ito pa lamang ang panlaban kontra COVID sa kasalukuyan

Pinangunahan ng isang psychiatrist ang paggawa ng improvised face shields gawa sa 5 liter water bottles para sa mga frontliners sa Muntinlupa. Bukod dito ay nagbibigay rin siya ng libreng online consultation at reseta para sa mga nangangailangan.

Imahe mula sa News 5 via Facebook

Sinisigurado ng mga kasama ni Dr. Nic Echavez na malinis ang mga bote na kanilang gagamitin. Nililinis nila ito gamit ang dishwashing soap at bleach, pagtapos ay nilalagyan ng disinfectant, at saka ibinibilad sa araw.

Sa isang panayam sa News 5, sinabi ni Echavez na ibinibigay nila ang mga ito sa mga nagtatrabaho sa barangay at maging sa 0spital ng Muntinlupa.

Imahe mula sa News 5 via Facebook

Bukod dito ay nagbibigay rin ng libreng online consultation at reseta si Echavez.

Aniya, karamihan sa mga nabigyan niya na ng reseta ay ang mga pasyenteng may anxiety. “[Yung iba,] matagal nang hindi sinusumpong pero pagdating sa COVID ay nagpapanic attack uli. Actually as normal as we are, nag-aalala na nga, how much more yung mga diagnosed na mayroon silang anxiety disorder? So all the more na kailangan nila ngayon ng medications,” paliwanag niya.

Paalala rin niya, siguraduhing mayroong healthy lifestyle dahil sa ngayon ay tanging malakas na resistensiya pa lamang ang magagamit laban sa COVID-19.

“Have a good rest. Sleep before 10 p.m. and wake up before 6 a.m.,” aniya.

Wala rin daw excuse ngayon sa hindi pag-eehersisyo dahil nasa bahay lamang ang mga tao. Maging ang paglalakad-lakad daw sa bakuran sa loob ng lima hanggang 15 minuto ay sapat na kung gagawin araw-araw.

Huwag din daw kalimutang kumain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin C at protina. Ngunit ang pinakamahalaga raw ay ang pag-iwas sa mga bisyo upang hindi mabalewala ang pagsunod sa unang tatlong payo niya.

Maaari siyang i-contact sa pamamagitan ng kaniyang Facebook page na Okidoc Echavez’ Wellness Through Mindfulness.

Source :

Facebook

Loading…