Public transport ban sa gitna ng COVID-19 pandemic lumikha ng maraming problema – Mayor Abby Binay

  • Suspensyon ng public transport sa buong Luzon, nagdulot ng maraming problema
  • Dapat maresolba sa lalong madaling panahon ang mga problemang dulot ng total public transport ban
  • Sinabi ni Mayor Binay na sobrang dami pa ng mga bagay na dapat linawin sa deklarasyon ng Pangulo

Nagdulot ng maraming problema ang suspensyon ng public transportation kaugnay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang isang hakbang upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19, ayon kay Makati City Mayor Abby Binay.

Imahe mula sa Gulf News

Aniya, dapat maresolba ang mga problemang dulot ng public transportation ban sa lalong madaling panahon.

Sa isang panayam, sinabi ng Makati City mayor na marami ang nagulat at nagkumahog sa paghahanap ng solusyon nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang public transport ban.

“Medyo magulo pa dahil tayo ay pare-parehas na nagulat kagabi. Iyong suspension ng mass transportation, that is our number one concern for the day,” sabi ni Mayor Binay.

“Kailangan i-resolve ang issue ng mass transportation kasi iyong establishment on essentials, bukas. Paano papasok ang mga empleyado, halimbawa ng grocery? Maglalakad? In-assume na lang na malapit ang bahay nila kung saan sila nagtatrabaho?” pakli ng alkalde.

Malaki rin umano ang epekto nito sa mga non-emergency medical cases katulad ng mga pasyenteng kailangang magpa-dialysis, chemotherapy at mga outpatients.

Imahe mula sa My Makati

“Walang Grab, walang jeep, walang tricycle. Anong sasakyan nila?” aniya.

Dahil dito ay nanawagan si Mayor Binay sa lahat ng barangay sa lungsod na ipahiram ang mga sasakyan nila para sa mga non-emergency medical cases.

Hindi pa rin umano malinaw kung sino ang magbabayad sa mga manggagawa ng mga pribadong kumpanya na nagpapatupad ng no work, no pay policy at paano na raw ang kabuhayan ng mga tricycle at jeepney driver na hindi makabibiyahe sa loob ng isang buwan.

“Sino ang magbibigay sa kanila ng ayuda?” tanong ng alkalde.

Malaking problema rin daw ang planong food rationing na gagawin umano ng Department of Social Welfare and Development habang umiiral ang pinalawig na community quarantine .

Imahe mula sa PIA

“Hahatiran ng pagkain sa isang buwan? That is not logistically possible. Ilan ang papakainin? Ilang milyon na ‘yan, hindi lang sa Metro Manila kung hindi buong Luzon,” sabi pa ng alkalde.

Ayon pa kay Mayor Binay, sobrang dami pa ng mga bagay na dapat linawin sa deklarasyon ng Pangulo.

Loading…