PWD napilitang maglakad para sa checkup dahil sa walang masakyan

Imahe mula sa video ni Mark Makalalad/GMA News via Twitter
  • Kahit isa na lamang ang paa ay napilitan ang pasyenteng si Cynthia Esperitu na maglakad mula Masinag sa Antipolo patungo sa checkpoint sa Marcos Highway
  • Kailangan kasi niyang makarating sa Philippine General Hospital sa Maynila para sa kaniyang buwanang checkup
  • Ganito rin ang sinapit ng isa pang pasyente na kailangang kumuha ng guarantee letter para makakuha ng chemo medicine

Isinailalim na sa enhanced community quarantine ang buong Luzon upang mapigilan ang tuluyang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Suspendido na ang pasok sa mga eskuwelahan habang piling mga industriya ng mga manggagawa at frontliners na lamang ang may pasok.

Imahe mula sa video ni Mark Makalalad/GMA News via Twitter

Upang masiguro na wala nang lalabag sa quarantine ay sinuspinde na rin ang lahat ng mga pampublikong transportasyon sa rehiyon.

Ito ang dahilan kung bakit kahit iisa na lamang ang paa ay walang ibang nagawa si Cynthia Esperitu kung hindi ang maglakad mula sa Masinag, Antipolo patungo sa checkpoint sa Marcos Highway kung saan naghihintay ang kaniyang sundo.

“May bone cancer po kasi ako. Kailangan kong magpa-checkup every month,” aniya sa GMA News.

Mula sa Marcos Highway ay inihatid si Esperitu sa Philippine General Hospital sa Maynila upang makapagpa-checkup.

Imahe mula sa video ni Mark Makalalad/GMA News via Twitter

Hindi lamang siya ang nakaranas na maglakad nang malayo upang makarating sa pagamutan. Matatandaang ang netizen na si Hedel Cruz ay ibinahagi rin ang kinailangang pagdaanan bago makahingi ng guarantee letter mula sa PCSO upang makakuha siya ng chemo medicine.

Isang araw bago umalis ay naghanda siya ng karatula na may nakasulat na “Papuntang QC para sa aking chemo medicines. Makikisakay po! Salamat.”

Kahit may mga nais na tumulong ay hindi nakarating ang mga ito dahil naipit na rin sa mga checkpoint. Ngunit sa tulong ng isang concerned citizen ay nakarating naman siya sa Lung Center.

Matapos ang ilang oras na paghihintay at pakiusap ay nakuha rin ni Cruz ang kailangang gamot na labis pa niyang ipinaglaban upang hindi masayang ang kanyang hirap na pinagdaanan.

Source :

Facebook, Twitter

Loading…