Quarantine menu: Isang netizen ‘nag-ihaw’ ng bangus; hindi nga lang isda kundi ‘yung chichirya

  • Trending sa social media ang post ng isang netizen tungkol sa kanyang kakaibang recipe
  • Nag-ihaw kasi siya ng bangus, pero hindi iyong isda pero iyong tigpi-pisong chichirya
  • Maraming netizens ang nais itong gayahin dahil wala na raw silang mailuto sa ilang linggo ng ECQ

Magdadalawang linggo nang naka-enhanced community quarantine (ECQ) ang buong bansa. Dahil dito, marami na ring Pilipino ang bored na sa kani-kanilang mga bahay. Marami ang gumagawa ng iba’t ibang paraan upang maaliw ang sarili habang ang ilan naman ay humahanap ng paraan upang mapa-level up ang stock nilang pagkain.

Marami nga ngayong ‘quarantine menu’ ang naipo-post sa social media. Ito ay mga lutuing inimbento ng mga netizen para naman maiba ang kanilang pagkain. Pero ang ilan, hindi naman seryoso ang lutuing ginawa. Ang iba, nais lang maghatid ng good vibes sa mga netizens.

Larawan mula sa Facebook post ni Drin Trinidad Inocencio

Isa sa mga ito ay ang trending na Facebook post ni Drin Trinidad Inocencio tungkol sa kanilang kakaibang ulam. Effort na ibinalot ni Drin sa isang foil ang kanilang ‘inihaw’ na ulam. Sa una, aakalain mong isda talaga ang laman ng foil pero nakatatawang surpresa ang nasa loob.

Bangus din naman ang laman ng foil. Pero hindi ito ang bangus na isdang normal na iniluluto o iniihaw. Ito ang pamosong tigpi-pisong chichirya na ‘sizzling bangus’ o mas kilalang bilang ‘bangus’ lang ng mga may paborito rito.

Proud na proud si Drin sa kanyang specialty. Ipinagmalaki niya na ang tawag sa ulam na ito ay “inihaw na bangus.” Kahit hindi legit na lutuin ang ginawa ni Drin, dapat talaga siyang maging proud sa kanyang pakulo dahil agad na nag-trending ito sa social media.

Habang isunsulat ang istoryang ito, umabot na sa higit 3,300 reactions ang post na ito na karamihan ay ‘haha.’ Dagsa rin ang comments na umabot na sa halos 1,000 habang nakalululang 21,000 shares naman ang nakamit ilang araw matapos itong i-post.

Larawan mula sa Facebook post ni Drin Trinidad Inocencio

Maraming netizens ang tuwang-tuwa at tawang-tawa sa paandar na ito ni Drin. Ayon sa kanila, pwede raw itong pang-prank sa mga tao sa kanilang bahay lalo na’t marami na ang bored ngayon sa kanilang mga bahay.

May ilang netizens din na gustong gayahin ang kakaibang lutuing ito. Handa raw silang iihaw pa ang ibang tigpi-pisong chichirya tulad ng inasal, lumpia, pusit, at ang iconic na chichiryang litsong manok.

Loading…