Raffy Tima, nagsariling set-up ng camera para sa kanyang C0VID-19 coverage dahil kailangang umalis ng kanyang cameraman

  • Trending sa social media ang pagka-cameraman ni Raffy Tima sa kanyang sarili para sa isang report
  • May kailangan daw gawin ang kanyang cameraman kaya sariling diskarte muna ang pinairal ng batikang journalist
  • Marami namang fans ni Raffy ang humanga sa patuloy na serbisyong totoo niya 

Patuloy ang trabaho ng isa sa mga maituturing na frontliners na media practitioners. Sila ang naghahatid sa atin ng pinakahuling balita at mga impormasyon na kailangang malaman ng Pilipino lalo na sa panahon ng kinahaharap na isyu ng bansa tungkol sa pandemikong C0VID-19.

Ngunit katulad ng mga ordinaryong Pilipino, maging ang mga mamamahayag at mga staff ng media networks ay mayroon ding kinahaharap na personal na isyu. Kaya naman sa isang pagkakataon, kinailangan ng isa sa mga batikang journalist ng GMA News na si Raffy Tima na iraos nang mag-isa ang kanyang report.

Larawan mula sa Facebook page ni Raffy Tima

Ibinahagi ni Raffy sa kanyang official Facebook page ang kanyang karanasan sa ika-13 araw ng enhanced community quarantine (ECQ), kung saan kailangang umalis pansamantala ng kanyang cameraman sa gitna ng trabaho dahil sa isang emergency. At dahil dito, nag-solo standup muna si Raffy at ginawan ng paraan ang kanyang report.

“Cameraman had an emergency. Solo standup muna. This is Day 13 of the Metro Manila Lockdown. #C0VID19Ph,” sabi ni Raffy sa kanyang post.

Makikita sa larawan nakatayo si Raffy sa ibabaw ng dalawang timba upang sumakto ang anggulo ng camera na nais niya para sa kanyang report. Makikita rin na wala ngang cameraman si Raffy noong mga panahong iyon.

Agad na nag-viral sa Facebook ang post na ito ni Raffy. Umabot sa higit 1,200 reactions at 171 shares ang kanyang larawang iniraos ang kanyang report. Marami rin ang humanga sa diskarte ni Raffy na kinailangang tumungtong sa mga timba para sa tamang kuha ng camera.

Larawan mula sa Facebook page ni Raffy Tima

Maraming netizens at fans ni Raffy ang nagpaabot ng kanilang pagbati at mensahe na mag-iingat sila ng asawa at kapuwa reporter na si Mariz Umali sa kanilang coverage. Kapansin-pansin kasi na tuloy-tuloy sila sa trabaho sa iba’t ibang  panig ng Kamaynilaan.

Kamakailan din ay nag-trending sa social media ang kuhang larawan ni Raffy na kita na sa Metro Manila ang isang sikat na dambana sa Bataan. Isang photography enthusiast din kasi si Raffy na madalas ipamalas ang kanyang husay sa pagkuha ng larawan at video sa kanyang social media account.

Loading…